Abante (02/05/04) Deretsahan Hindi Pantay ang GMA-7 ni Horacio Paredes Sa palabas ng GMA Network television na "Biodata," tinanong si Fernando Poe, Jr. kung totoo nga bang nagka-anak siya sa isang starlet na nagngangalang Ana Marin. Sinagot ni FPJ nang totoo. Sinabi niya na totoo nga iyon at mayroon nga siyang anak sa labas. Pinaliwanag lang ni FPJ na ito at kung anuman ang naging relasyon niya sa babae ay parte na nang kanyang kahapon. Ang aking naging reaksyon dito ay ganito: Bakit noong dumaan si Raul Roco sa "Biodata," ay hindi siya tinanaong tungkol sa kaniyang relasyon sa kanyang kapwa abugada kung saan mayroon siyang ilang anak. Mukha yatang hindi pantay ang ginawa ng GMA sa kanilang pagtatanong sa mga kandidato. Hindi ko napanood ang episode kay FPJ. Nabasa ko lang ang balita sa Inquirer ngunit napanood ko ang episode kay Raul Roco at, sa akin ngang panlasa'y mukhang kinakampaniya na, noon pa man, ng GMA si Roco dahil wala silang tinalakay kundi lamang ang mga magagandang bagay tungkol sa kandidato. Kung mayroon man silang natanong kay Roco na ganoong bagay, bakit naman hindi natin nabasa sa Inquirer ang bagay na ito? Hindi patas ang ating mga mediya. Talagang kumikiling sa ilang kandidato at binabastos ang ilan pang hindi nila kakampi. May mga itatanong rin kaya sila kahit na kay GMA na ganoong ka- personal na katanungan at magsasabi kaya ang mga ito nang totoo. Hindi naman masama para sa kaniya na sinagot ito nang tapat at totoo ni FPJ. Sa totoo lamang, marami na rin ang nakaka-alam nang sekreto niyang ito. Ngunit, sino ba sa ating mga pulitiko ang matuturing nating ubod nang linis lalo na sa mga bagay ma ganito. Tao rin lang naman sila. Ngunit, ang mediya ay dapat na magpakita na palagi silang pantay at iisa lamang ang kanilang pag-trato sa mga kandidato. * * * Sa mga lumalabas tungkol sa mga dokumentong pineke ni Ricardo Manapat, ang Direktor ng National Archives, ang isang dapat pag-ukulan ng pansin ay kung ano ang nilalaman ng brown envelope na pinadala ni Manapat kay Supreme Court Justice Antonio Carpio noong mga panahon na kasalukuyan niyang pinpeke ang mga dokumento. Ano ang kaugnayan ni Justice Carpio sa bagay na ito? Bakit ganoon kagarapal ang pagpadala ni Manapat at hindi man lamang nito sinekreto? Kung wala namang sekreto, bakit hindi pinaliliwanag ni Carpio kung ano ang nilalaman ng brown envelope na iyon? Dapat lamang paghinalaan si Carpio sapagkat siya'y dating kasama sa isang bopete ni Arturo Villaraza na noon ay tinatawag na Carpio, Cruz and Villaraza at ngayon ay Villaraza and Angangco na ang pangalan. Ito ang kinikilalang pinakamalakas na law office sa buong bansa lalo na't sila ang abugado ng mga First Family na Arroyo at Pidal at naroroon ang kanilang bopete sa TLA building na pag-aari ni Mike at Iggy Arroyo. Bakit pati ang isang justice ng korte suprema'y nakikisali sa maruruming gawain ng pamahalaang ito? Gaano na kalawak ang kanser nang kasamaan at kasinungalingan ng pamahalaang ito? Pati na ang mga Bunye ay nadawit dahil ang anak ni Toting na si Patricia na dating spokesperson ni Mike Arroyo bago ito nakilalang Jose Pidal (kung kailan iniwanan siya ni Patricia) ay nadawit rin. Si Patricia pala'y full-time nang nasa Villaraza and Angangco at ang asawa naman nitong si Joy Roxas ay dating nasa isang bopete kung saan naman nanggaling ang isa sa mga abugadang nagsampa ng kaso sa Korte Suprema na kinukwestiyun ang pagka-Pilipino ni FPJ! Na-ayos na kaya ang kasong ito sa Korte Suprema bago pa ito isinampa? Maaari at malamang! Ang tatalo kay FPJ ay ang pag-iisip nang ilan sa Evil Society na dahil sa hindi siya nararapat na maging Presidente (dahil sa hindi siya kasama nila sa kanilang Evil Society) at kulang ang kaniyang natapos sa pag-aaral, dapat lamang na gawain nila ang lahat upang matigil ang kaniyang kandidatura. Isa nang paraan nito ay ang pag-deklara nang pagiging hindi tunay na Pilipino ni FPJ. Kapag nagawa nila ito, tapos na ang boksing! Ang masama rito'y ganito: Tatanggapin lamang ba ng masa ang ganitong hatol at wala kayang masamang mangyayari sa ating bansa? Hindi kaya tayo magkakapatyan? * * * Kinukundena ni Ping Lacson ang pagiging hindi pantay ng Makati Business Club. Siya kasi ay pinapapili kung kailan siya haharap sa kanila - sa Pebrero 10 o 11, ang unang dalawang araw ng kampaniya. Ayon kay Lacson, sa kay haba-haba nang panahon at sa dami ng araw sa kalendariyo, bakit ang pinagpipilian sa kaniya ay ang dalawang araw lamang na ito, dlawang araw na matagal na nilang pinaplano sa kaniyang pangangamkampaniya sa pagka- Pangulo. Matagal ko na ngang pinapayuan ang mga kandidato na huwag nang humarap sa Makati Business Club. Hindi naman ito ang tunay na mga lider ng negosyo, kundi ang mga taga-Chinatown. Bakit ba kinakailangan pa silang pansinin ng mga kandidato? * * * Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com # # # # hvp (02.04.04)