Abante (02/10/05) Deretsahan Respetuhin ang Hukuman ni Horacio Paredes Papaanong rerespetohin ang ating mga RTC kung ang mga hukom ng mga ito'y walang naipapakitang kamandag o kahit na kaunting ngipin man lamang. Kamakalan ay iniutos ng isang RTC sa Quezon City na kaniyang binibigyan ng Temporary Restraining Order ang PBA at ang Chairman nito na si Noli Eala sa ginawa nitong pag-suspinde kay Paulasi Taulava. Inutusan ng korte na palaruin ang star center ng Talk N Text sa PBA All-Filipino dahil sa mata ng korte ay Pilipino si Taulava hangga't hindi siya nahahatualn ng korte na siya'y hindi Pilipino. Kahit na mayroong ginawang TRO ang korte, hindi ito binigyang galang ni Eala at kaniya pa ring pinagpatuloy ang suspension kay Taulava. Mayroon bang nagawa ang RTC ng QC? Mukhang wala! Doon rin sa RTC ng Makati ay nagkaroon ng kaso kung saan binabalewala ng isang kilalang artista ang korte. Sa kasong libelo na isinampa laban kay Rossana Ortiz, kaya siya hindi nakakulong ay dahil na naka-piyansa siya. Noong una ay hind siya dumating sa korte para sa hearing. Ang kaniyang rason: Nagtalik raw slang mag-asawa hanggang madaling-araw kung kaya hindi siya nakarating sa hearing sa takdang panahon. Kamakailan ay hindi na naman dumating ang Osang. Kinansela ng hukom ang piyansa ni Ortiz at inutusan ng hukom na ikulong si Osang. Dalawang linggo na ang nakakalipas, wala pa rin si Osang sa kalaboso, Sa mga ganitong nakikita ng mamamayan nawawala ang respeto sa ating mga korte. Para kasing nagpapakita ng kaba at takot ang ating mga hukom. Ayaw nilang kalabanin ang mga may kaya at ang mga sikat. Hindi sana dapat na ganito ang ating mga hukom. Ang dapat sana'y istrikto ang mga korte natin sa pagpapatupad ng batas upang magkaroon naman nang takot kahit na ang mga mayayaman at ang mga sikat sa kapangyarihan ng mga hukoman at ng ating mga batas. Hangga't hindi nagpapakita nang tapang ang ating mga hukom, wala tayong aasahan na mayroong matatakot sa ating mga batas. * * * Sa pagpili ni Presidente Gloria Arroyo ng susunod na Director-General ng Philippine National Police, mukhang ma-uulit na naman ang mga maiiksing termino ng mga hepe ng PNP. Hindi tumagal ang kasalukuyang hepe na si Edgar B. Aglipay ng kahit na kalahating taon man lamang. Sa mga pinag-pipilian naman ni Gloria, mukhang ang mga ito'y mga ka- klase rin ni Aglipay sa PMA Class '71. Dahil magkaka-klase sila, tiyak na ang mga retirement day nila'y magkakalapit rin. Ang pinaka-umaasa ay isang police general na dapat na mag-reretiro sa Marso 16, tatlong araw lamang pagkalipas ng pagretiro ni Aglipay. Ang pangalawa nama'y dapat na mag-retiro sa Mayo 22. At, ang ikatlo naman ay mag-reretiro sa Setiyembre 10. Tama bang napakarami ang uupo bilang hepe ng PNP sa loob lamang ng isang taon? Baka maubos ang panahon ng PNP sa mga turn-over. Siyempre naman na ang bagong hirang ay gagawa ng re-organization upang kaniyang mailagay ang mga bata niya sa magagandang puwesto. Bakit hindi mag-pakita ng kaunting political will si Gloria at kaniyang italaga ang isang pulis na maaring magtungkulin bilang hepe nang sobra sa isang taon? Kung gusto nating magkaroon ng tunay na reporma sa kapulisan, dapat lamang na ang susunod na ilalagay niyang hepe ng PNP ay tatagal ng hanggang dalawa o kahit na tatlo pang taon. Kung ginugusto natin ng tunay na reporma, dapat lang na maging matagal ang paglilingkod ng susunod na hepe ng kapulisan natin. * * * Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com # # # # hvp (02.09.05)