Abante (01.02.07)
Deretsahan
Nakakhiya na Tayong Mga Pilipino
ni Horacio Paredes
Nakakahiya ang pamahalaan ng Pilipinas. Mas gusto pa nilang pagbigyan ang mga dayuhang Amerikano kaysa magpakita ng kaunting pag-galang sa ating hudikatura at sa dignidad ng ating sariling bansa at ng Saligang Batas. Dito natin nakita ang pagiging tuta ng ating pamahalaan sa mga dayuhang Amerikano.
Sa kadiliman ng gabi noong Disyembre 29, nang tapos na ang mga newscast sa telebisyon at naserahan ang mga pahina ng karamihan sa mga diyario, pinakuha ni Kalihim Ronaldo Pino si Daniel Smith mula sa kulungan ng Makati City Jail upang ihatid sa American Embassy sa Roxas Boulevard. Labag ito sa ating batas sapagkat mayroong kautusan ang isang hukom (Benjamin Pozon) na dapat na sa kulungan ng Makati nakatalaga si Smith. Hindi lamang iyon, mayroon ring desisyon ang Court of Appeals na diyan muna sa Makati mananatili si Smith hanggang hindi nila nadedesisyunan ang apela nito na ilipat siya sa US Embassy.
Tama si Nicole, ang Pinay na ginahasa ni Smith: “Talagang bastusan na ito ng harap-harapan. All that they would defend was the relationship between the US and Philippines. Is this really how the Philippine government is? Only in the Philippines. I am so dismayed.” Dagdag pa ng babae na mukhang mas mabuti na lamang na maging American citizen dahil ang kanilang pamahalaan ay inaalagaan ang kanilang mga mamamayan, hindi gaya ng Pilipinas na winawalang-hiya pa tayo at mas pinagbibigyan ang mga dayuhang gumagawa ng krimen laban sa ating mga Pilipino.
* * *
Kung ating binabatikus ngayon ang pamahalaang Arroyo dahil din naman ito sa ginawa ng ibang pamahalaan. Ang Visiting Forces Agreement ay tinalaga noong 1999. Ang nagpasa nito ay ang Senado noong 11th Congress kung saan si Marcelo Fernan ang Seante President. Ito ang listahan mga senador noong Pebrero nang ipasa ang VFA: Drilon, Enrile, Biazon, Flavier, Pimentel, Serge Osmena, Santiago, Magsaysay na ngayon ay nasa Senado pa rin. Ang dating mga senador na sumali rin sa pagpasa ng VFA ay sina Nikki Coseteng, Sonny Jaworski, Blas Ople, Tito Sotto, BobbyBarbers, Rene Cayetano, Tito Guingona, Kit Tatad, Gringo Honasan, John Osmena, Tessie Aquino-Oreta, Raul Roco, Ramon Revilla, Loren Legarda-Leviste.
Ang ating pangulo noon ay si Joseph Estrada, na ganito ang sinabi tungkol sa VFA: “Bilang inyong Pangulo pangunahing tungkulin ko na mapanatili at mapatatag ang kapayapaan at mapasigla ang ekonomiya para sa kaunlaran.
“Ang Visiting Forces Agreement ay hindi para sa mga banyagang base militar. Ito po ay kasunduan sa pakikipagtulungan upang mapahusay ang ating sandatahang lakas para sa seguridad at estabilidad sa loob at labas ng ating bansa. Malaki po ang maitutulong nitong VFA para sa seguridad ng ating bansa. at kung may seguridad at kapayapaan, susulong ang ating kabuhayan.
“Suportahan po natin ang VFA para sa kapayapaan at kaunlaran ng ating bayan.”
* * *
Ano ang aking punto nito? Ito lamang: Na huwag na tayong magturoan kung sino ang mas magagaling sa atin. Tanggapin natin na isang malaking pagkakamali ang VFA at tapusin na natin ang kasunduang iyan na magbibigay lamang ng lalo pang maraming kalungkutan sa ating mamamayan na mabibiktima ng mga Amerikanong sundalo kagaya ni Marcelo Batestil, ang taxi driver sa Cebu na binugbog ng dalawang U.S. Navy noong unang taon pa lamang ng VFA at si “Nicole” na ginahasa nang ika-pitong taon ng VFA. Huwag na nating paramihin pa ang mga magiging biktima ng kasunduang ito. Tigilin na natin ang VFA. Magkaisa tayo sa bagay na ito at sa pagtataguyod ng kapangyarihan ng Pilipino sa sarili niyang bansa. Bakit mas pinagbibigyan natin ang dayuhan sa sarili nating bansa?
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com
# # # #
hvp (01.01.07)
—–
Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com
Post a Comment