Skip to content

01.09.07 Abante

Abante (01.09.07)
Deretsahan

Ang ating Pagsuko kay Kano

ni Horacio Paredes

Walang silbi ang sinasabing review ng Visiting Forces Agreement (VFA) ngayong nabalibo-an na tayo ng mga Amerikano. Sa pinakita ng Malakanyang na pagka-tuta sa mga ‘Kano, bakit sila papayag na pag-aralang muli ang VFA at ulitin ang negosyasyon nito. Sa ngayon, panalong-panalo si Kano. Bakit naman niya gugstuhing pag-usapan pang muli ang maganda na para sa kanila, puwera lamang kung magiging mas maganda pa para sa kanilang panig sa pagkatapos ng negosyasyon.
Kung gugustohin natin na baguhin ito upang bawasan ang mga karapatang binigay na natin sa mga sundalo nilang magkakaroon ng pagkukulang o kaya’y may magawang krimen laban sa biktima nilang Pilipino, bakit naman sila papayag. Ang mas magaling sa kanila’y umayaw na lamang sa negosyasyon at hamunin tayo na itigil na ang VFA. Nagpakita na tayo na hindi tayo papayag na mawala ang mga sundalong Amerikano sa ating bansa, kaya lalo lang silang magtatapang dahil alam naman nilang kailangang natin sila. Nagpakita na ang Malakanyang ng barahang hawak nito. Kaya alam na ng mga Amerikano na wala naman palang bayag ang kanilang kausap.
Sa ganyang sitwasyon, bakit naman sila papayag na pag-usapang muli ang Visiting Forces Agreement (VFA)? Hindi na mababago pa iyan puwera lamang kung mas mabibigyan pa ang Amerikano ng mas malawak na kapangyarihan sa ating bansa. Iyon na iyan!
* * *
Mabuti naman at hindi na tinuloy ng Malakanyang ang pag-ulit sa People’s Initiative (PI) at, imbes, ay sa halalan ng 2007 na sila umaasa na kanilang ipapanalo pa rin ito para kay Gloria Arroyo.
Ayon sa oposisyon, ang labanan sa 2007 ay Gloria Arroyo laban sa mamayang Pilipino. Mayroon ring nagsasabi na ito raw ay isang palakasan kung saan ang puwersa ni Gloria ay makikpagbuno sa popularidad ni Erap, Sa pananaw naman ng Malakanyang kung kanilang kayaning talunin ang oposisyon – at hindi naman ito gaanong mahirap dahil nasa Malakanyang ang lahat na puwersa at ang napakalaking salapi upang bilhin ang halalan at panalunin ang kanilang mga kandidato – tapos na ang boksing at wala nang magiging hadlang sa lahat ng gusto ni Glorianmg gawain sa saligang batas, sa pamahalaan o kahit na kung saan pa man. Sa katotohanan, sa kahit anong halalan, nakakalamang talaga ang mga landidato ng pamahalaan.
Sa pagkasulat ng ating Saligang Batas, napakahirap para sa oposisyon ang manalo sa isang halalan dahil hindi naman pinagbabawal na magkampaniya ang Pangulo ng bansa na hindi lamang sa Commander-in-Chief na ng ating Sandatahang Lakas, ito rin ang may hawak ng lahat ng salapi ng bansa at ng buong burokrasya ng Pilipinas. Kung ito’y kakampi sa mga kandidatong pagka-senador at mga kandidato sa kongreso, malaki ang matutulong ng Malakanyang sa kaniyang mga kandidato.
* * *
Sana naman ay mayroon tayong maipapakitang maganda sa 12th ASEAN Summit na magsisimula bukas sa Cebu. Sa katotohanan lamang basang-basa na ang papel natin sa ASEAN dahil sa kapalpakang pinakita natin noong Disyembre kung saan ay bigla nating nilipat ang araw ng Summit kahit napakarami na ng mga imbitado ay naririto na sa ating bansa. Nakakahiya tayo noong Disyembre. Sana naman mayroong maipakitang galing si Gloria sa pagbukas ng summit sa Cebu bukas ng umaga.
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com

# # # #
hvp (01.08.07)

—–

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*