Skip to content

01.18.07 Abante

Abante (01.18.07)
Deretsahan

May Lakas nga ba ang Oposisyon?

ni Horacio Paredes

Ano ang sinasabing pwersa ng oposisyon na makakaya nilang talunin ang nakaupong administrasyon sa darating na halalan? Saan ito manggagaling? Nakikita natin ngayon na kahit na sino ay kayang-kayang suspindihin ng DILG at Ombudsman at wala namang nagrereklamo o nagpapakita ng pagtutol sa panig ng oposisyon.
Sa aking nakikita, hindi ako gaanong aasa na mayroong ipapakitang lakas ang mga kakontra ni Gloria sa darating na halalan. Maingay lamang ang ilan, ngunit wala namang nangyayari. Kahit na ano pa ang sabihin ng mga Senador at Kongresista ng oposisyon, kung wala silang matatag na samahan at wala silang organisasyon, lalampasuhin sila ng mga pwersa ni Gloria sa halalan na sasamahan pa ng pangpanigurong pandaraya ng Malakanyang.
Kaawaawa naman ang mga matatalong kandidato ng oposisyon. Ngunit, baka naman okey lamang ito para sa atin dahil baka naman kasi matuto ang mga matatalo na ang pagpanig sa oposisyon o administrasyon ay hindi dapat kung sino ang makakatulong sa iyong manalo sa isang haalan, kundi dapat ay nanggagaling sa prinsipyo natin sa buhay.
Marami sa ating mga pulitiko at kandidato ang wala nang prinsipyo at kwarta lamang at kapangyarihan ang kanilang sinasamba.
* * *
Tama ang mga nagsasabing may karapatan ang Ombudsman na magsuspinde ng mga opisyal ng LGU kahit na sa panahon ng halalan. Ngunit, kung mga maaayos silang mga tao, hindi dapat ginagamit ang kapangyarihang ito sa panahon ng halalan, lalo’t-lano na kung ang dapat suspindihin ay ang mga nasa kabilang partido.
Kung sino man ang sususpindihin ng Ombudsman mula ngayon hanggang sa Mayo 2007, sa araw ng haalan, tiyak na magkakaroon ng duda ang maamayan na may bahid ng pulitika ang aksyong ito ng Ombudsman.
Kung naman ang kanilang susupindihin ay iyong mga malalapit kay Gloria na kilala namang garapal sa pagtanggap ng suhol at pagnakaw ng pondo ng bayan, baka purihin pa si Gloria Arroyo na kanyang pinasusupinde ang sarili niyang kaibigan.
Halimbawa, kung imbestigahan ng Ombudsman ang mga kasong naka-file na sa isang kagaya ni Gob. Chavit Singson ng Ilocos Sur na matalik na kaibigan ni Gloria Arroyo, ngunit kilalang may kalikutan sa makinarya haggang ang isang hukom sa Amerika’y tinawag pa itong mandarambong, ayan, baka sakaling palakpakan ng tao ang pamamahala ni Gloria Arroyo. Ngunit, maaari kayang mangyari?
* * *
Sa ginawang pag-resign ni Fritz Gaston, dating basketball player ng PBA at ng Ateneo at naging coah rin ng Ateneo, sa Board of Directors ng Basketball Association of the Philippines (BAP), baka maging simula ito ng pagkakaisa ng mga nasa sport ng basketball sa Pilipinas upang mawala na ang pagiging hati ng mga nagmamahal sa Basketball.
Sa aking nakikita, parang patuloy na ang pagiging panalo ni Manny Pangilinan, Presidente ng PLDT at ng kaniyang Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP). Dapat lamang na tanggapin rin ni Pangilinan ang mga dating board member ng BAP sa bagong samahan upang lalong tumatag ang unity na hinahanap ng lahat na manlalaro, opisyal at mga fans ng basketball. Dapat na magkapatawaran na’t magsama-sama na ang lahat.
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com

# # # #
hvp (01.17.07)

—–

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*