Abante (03.29.07)
Deretsahan
520,000 Lamang, Panalo na sa Party-List
ni Horacio Paredes
Sa kahuli-hulihang ginawang survey ng SWS, lumilitaw na ang mga boboto sa party-list ay nasa 58 porsiyento lamang ng mga botante. Dahil sa 45 milyon ang mga rehistradong botante sa darating na halalan, ito ay 26 milyon na boto para sa Party-List. Ang kinakailangan ng isang Patry-List upang makaupo ng isang kongresista ay nasa dalawang porsiyento lamang ng boboto para sa Party-List o 520,000 lamang ang botong kinakailangan.
Napakaliit na boto ito. Kung mayroong nagpaplanong mandaya sa halalan, kayang-kayang gawaan ng paraan na gumawa ng ganito karaming boto sa kalahatan ng Pilipinas, lalot-lano na sa party-list na wala gaanong nagbabantay. Hindi naman ito kagaya ng pagbabantay ng magkatunggaling GO at TU na nagbabantayang walang dagdag-bawas na makakasama sa boto ng kani-kanilang mga kandidato. Wala namang masama para sa mga magkakatunggaling Party-List kung ang isa sa kanila’y biglang mayroong maipapasok na boto sa isang lalawigan o lungsod. Ang 520,000 na boto ay napakadaling gawaan ng paraan sa isang rehiyon kagaya ng ARMM o sa mga boto ng ilang lalawigan.
Napakaliit na numero ito at hindi na gaanong mapapansin kahit na ginawa-gawa lamang ang mga boto ng gustong papanalunin na Party-List.
Sa darating na halalan, napakaraming mga Party-List ang mga tinayo ng mga opisyal ng gobiyerno mismo at ng ilang mayayamang mga negosyante upang iupo ang kanilang mga kamag-anak at kasosyo sa kongreso bilang kongresistang Party-List.
Dapat na binabantayan lalo ang mga ito lalo na’t kung mayroong mangyayaring dayaan. Malamang na dito sa Party-List ito magagawaan ng paraan.
Sa ngayon mayroon nang mga bali-blita na mayroong nagbebenta ng siguradong panalo bilang Party-List kongresman sa halaga lamang ng limang milyong piso. Ang problema lamang ng isang kandidato ng Party-List na naka-usap ko ay kung papaano raw niya masisisguro na totoo ang kinukwento sa kanya ng nag-alok dahil siyempre, money down ang usapan at tiyak na kung magkaka-gantsohan ay wala na siyang habol kung tapos na ang halalan at hindi naman pala nagkatotoo ang kaniyang biniling 520,000 na boto sa halagang P5 milyon.
Dito ko rin nakita kung anong klaseng tao ang tumatakbong ito bilang Party-List dahil, kagaya lang pala ng mga pangkaraniwang pulitiko dahil sa handa naman pala siyang makipagdayaan upang makapasok lamang sa Kongreso.
Ano ang pagkaka-iba ng kandidato sa Party-List na ito sa mga tinuturing at kinasusuklaman natin na mga Trapo?
* * *
Mali si Gloria Arroyo. Hindi makakatulong ang media kung ito’y walang ipapahayag kundi lamang ang pagbabalita ng mga makakabuti sa isang pamahalaan. Nakita na natin ito noong panahon ng Martial Law. Ang naging resulta’y ang pagkakawala ng tiwala ng mamamayan sa media. Walang mas mabuting paraan sa isang bansa kundi ang magkaroon na media na hindi hawak ng pamahalaan o kaya ng iilang mayayaman.
Wala pa ring tatalo sa malayang pagpapahayag ng isang tapat, malaya at walang takot na media.
* * *
Baka nga mas mabuti kung hindi pinapayagan ang mga survey ng SWS, IBON at iba pang mga naglalabas ng survey kung sino ang mananalo sa halalan. Nakakawalang gana kasi kung sa simula pa lamang ng kampanya’y lilitaw na kaagad na walang kapana-panalo ang iyong minamanok na kandidato.
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com
# # # #
hvp (03.28.07)
—–
Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com
Post a Comment