Skip to content

04.03.07 Abante

Abante (04.03.07)
Deretsahan

Walang Sigla ang Parating na Halalan

ni Horacio Paredes

Napakarami ang mga maling ginagawa ni Gloria Arroyo. Sa ngayon, nagmumukhang takot na takot siya sa sarili niyang militar. Ayaw niya silang paki-alaman. Kahit na maling-mali naman na ang mga militar ay nasa loob ng mga barangay ng Metro Manila (lalo na’t papalapit ang halalan at si Gloria ay natalo noong 2004 sa mga lugar na ngayon ay binabantayan ng militar). Pinababayaan niya lamang ito at sinasabi pa ng Malakanyang na huwag na raw silang tanungin tungkol sa mga militar na nasa Metro at ang desisyon kung kailan sila lilikas ay pinababayaan na raw ng Malakanyang na gawaan ng desisyon ng mga pinuno ng militar. (Ngunit, hindi ba na ang Commander-in-Chief ang pinaka-pinuno ng militar?)
Pinipilit ni Gloria ang kaniyang gusto – o, baka naman ito’y iniutos sa kaniya ng mga heneral? – nagsimula sa mga proklamasyon na hindi sumasang-ayon sa Saligang Batas at ngayon naman isang aksyon ng militar na hindi rin sumasang-ayon sa Saligang Batas na nagsasabi na ang mga sundalo ay dapat na susunod sa utos ng civilian authority.
Ang masama lamang nito ay parang nawawala na ang mga matatapang na Pilipino. Naalala ko pa noong nagsimula ang Martial Law na napakaraming mga Pinoy ang lumaban dito. Ngunit sa mga nangyayari ngayon, parang wala man lamang nakakapansin na nilalapastangan na ang ating mga krapatan. Wala nang nagpoprotesta. Ano kaya ang nangyari sa ating mga Pinoy? Bakit parang hindi na natin mahal ang ating bansa at wala na tayong maipakitang katapangan?
* * *
Tinanaong ako ng isa kong kaibigan kung bakit raw parang – sa kaniyang pakiramdam – wala namang parating na halalan. Noon raw kasi, kapag parating na ang halalan, parang nagkakaroon ng sigla ang lipunan, parang mayroon tayong hinihintay na mangyayari kagaya nang panahon ng pasko, kaarawan, kasalan, piyesta at iba pang mahalagang pangyayari sa ating mga buhay. Pero, tanong niya, bakit ngayon ay parang wala iyon. Magkakaroon nga ba tayo ng halalan?
Napaisip ako at sinagot ko siya na baka naman kasi natauhan na tayo na hindi naman pala maaaring sa halalan natin hanapin ang lunas sa kung ano ang sakit ng ating lipunan. Ilang beses na rin kasi tayong naghalal ng mga taong inisip natin na maaaring may gagawaing pagbabago sa ating lipunan, gobiyerno at sa atin mismong mga buhay; ngunit, ang madalas na nangyari’y nang sila’y maluklok natin sa pwesto, imbes na binago nila ang lipunan ay sila ang nagbago. Naging kapareho na rin sila ng mga naunang kumuha ng puwesto kung saan natin sila niluklok.
Kung ating pag-iisipan, sa totoo lamang wala naman talagang nangyari sa kahit na kailang halalan na nakatulong sa pamumuhay nating mga Pinoy, hindi ba?
Maari pa nga nating isipin na kahit sino ang ating piliin, hindi pa rin magbabago ang ating pamumuhay. Kung ganoon naman pala, bakit pa nga tayo mapapasigla ng isang bagay na wala namang epekto sa ating kalagayan.
Natuto na nga kaya tayong mga Pinoy na huwag nang umasa sa ating mga halalan? Kung natutunan na natin ito, dapat siguro’y pag-isipan naman natin kung anong mga bagay ang maaaring maka-apekto sa ating pamumuhay upang iyon na at hindi ang wala namang sibling pulitika ang dapat nating inaatupag.

* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com

# # # #
hvp (04.02.07)

—–

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*