Abante (04.19.07)
Deretsahan
Na Guguluhan sa Party-List
ni Horacio Paredes
Nasa 93 ang mga Party-List na tinanggap ng Comelec. Ayon sa R.A. 7941 ang Party-List ay binmubuo ng “Filipino citizens belonging to the marginalized and underrepresented sectors, organizations and parties, and who lack well-defined political constituencies but who could contribute to the formulation and enactment of appropriate legislation that will benefit the nation as a whole. . .”
Ang pinoproblema ko sa mga party-list ay ang hindi ko nalalaman kung ang mga ito na mayroong mga pangalan na makapansin kagaya halimbawa ng “yacap,” “bantay,” “lypad.” “butil,” “kasanga,” “kasapi,” “a smile” at iba pa ay mayroon bang tunay na partido o sila ba’y pag-aari lamang ng iilang mayayaman na gustong iupo ang mga kamag-anak nila sa Kongreso?
Nalalaman naman nang lahat na, halimbawa, sa party-list ni Brother Eddie ay ang kaniyang anak ang pinaupo sa kongreso noong ito’y naka-kuha ng sapat na boto upang makapaupo ng kanilang kongresista. Mayroong maraming party-list na pag-aari ng mga taga-gobiyerno o kaya ng ilang mayayamang negosyante. Sa aking nakikita, dapat sana na magkaroon ng reporma sa ating mga party-list upang maging makabulohan ang party-list na ito. Ang marami’y umaasa na lamang sa matunog na pangalan upang kumuha ng boto. Wala rin naman sa kanila ang nagpapaliwanag kung bakit sila ang dapat na iboto natin, Pagandahan lamang ng tunog ng pangalan ang kanilang binebenta sa mga botante.
Para sa akin, ang karamihan ng mga party-list ay niloloko lamang ang mamamayan. Isa lamang itong paraan upang makaupo sila sa kongreso ngunit wala naman silang intensyon na maglingkod o tumulak ng agenda para sa mga “marginalized and underrepresented sectors.” Kapag nakaupo na sila sa kongreso kinalilimutan na rin nila ang mga botanteng naloko nila na bumoto sa kanila.
* * *
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS) isa lamang raw sa kada limang botante ang madadala ng tinatawag na command votes. Ito ang mga boboto sa kahit na sino ang sasabihin ng mga lider pulitikal na kanilang dapat iboto. Sa palagay ko ay tama ito – lalong-lalo na kung ang mga pinaguusapan ay ang mga senador.
Baka sa lokal – Meyor at konsehal o gubernador at mga bokal ay susundin nila ang linya ng gubernador o ng meyor; ngunit, sa palagay ko ay hindi na sila susunod kung mga senador na ang pinagpipilian.
Marami na rin akong nadaanang mga halalan at nalalaman ko na hindi ganoon kadaling pwersahin ang tao na sumunod sa kagustohan ng mga lider pulitikal. Sa katotohanan lamang, kahit na sa sariling mga tauhan ng kandidato’y madalas na kinakailangan pa rin silang ituring na parang ordinaryong botante – kung ano ang nabibigay sa ibang botante’y dapat rin na binibigay rin kahit na mga sarili mo nang mga tao. Kung minsan nga’y kinakailangan pang bilhin kahit na ang mga boto ng iyo mismong mga tauhan.
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com
# # # #
hvp (04.18.07)
—–
Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com
Post a Comment