Abante (04.26.07)
Deretsahan
Term Limits at Party-List
ni Horacio Paredes
Noong binuo ang ating Saligang Batas, mayroong dalawang parte na masusubukan sa sunod na halalan. Ang una rito ay ang term limits kung saan mayroong hangganang taon makakapagligkod ang isang hinalal na opisyal – tatlong term sa mga LGU at sa kongreso at dalawa naman sa mga senador at iisa lamang sa pangulo at bise.
Ang layunin nito’y upang hindi maaangkin ng mga pulitiko ang mga puwesto. Ngunit, hindi kaya lalo lamang gumulo ang ating mga halalan? Ilang alkalde na ang – dahil sa umabot na sila sa hangganan ng kanilang term — pinatakbo ang anak o asawa. At, pagkatapos ng isang term, binalikan naman ng opisyal ang dati niyang puwesto. Sa akin ngang pananaw, lalo lamang sumama ang ating pulitika; lalong lumayo tayo sa delikadeza, sa maayos na pamamalakad at iba pang ginusto ng mga nagsimula nitong term limits. Ngayon, mas maraming miyembre ng pamilya ng pulitiko ang nasasali sa pulitika dahil ginagamit sila ng kanilang ama o asawa upang maging panakip-butas habang hindi siya makapaglingkod na bilang opisyal ng LGU o kongresista.
Hindi lamang iyon. Nakkita natin sa parating na halalan na mayroong mga meyor na tumatakbo sa kanilang last term at ang kanilang tnatakbong vice mayor ay ang sariling anak. Mayroon ring isang City Mayor ba dumating na sa katapusan ng kaniyng term. Kaya, ano ang ginawa? Tumatakbo para Bise ng kaibigang tumakbong Meyor. Ang hinala ng lahat ay ang mabibigyan ng ibang puwesto ang mananalong alkalde upang makapag-Meyor muli ang bagong halal na Bise na kasalukuyang Meyor ngayon.
Hindi ba kaya na imbes na nakabuti ang term limits ay lalong naging mas walang-hiyaan ang ating mga halal na opisyal ang atin mismong pulitika?
Para sa akin, bakit hindi pabayaang kahit na ilang term ang sunod-sunod na iuupo ng alkalde o kongresista. Baka pa nga mas mabuti pa ang ganoon dahil sa darating rin ang panahon na maiinis na rin tayo sa pagmumukha ng ating Meyor at, pagdating ng panahong iyon, hindi na rin natin siya iboboto. O. baka siya na rin ang magsawa.
* * *
Ang isa pang social experiment na sinira ng mga mga pulitiko ay ang Party-List. Sa ibang bansa na maraming mga partido, ang party-list ay binibigay sa mga partido na nakanuha ng sapat na boto para maka-upo ng isang party-list. Ang pagkakaiba nila sa atin ay totoong mga partido ang mga ito, hindi pangkunwaring partido na binuo lamang upang maaaring makaupo bilang kongreesista ang anak ng may-ari ng party-list.
Nasa 93 na ang ating mga Party-List. Halos lahat sa mga ito ay pag-aari ng ilang mga mayayamang negosyante o pulitiko. Ano ang pagkakaiba ng mga Party-List na ito sa ibang mga Party-List? Halos sa lahat (pwera lamang ang iilan) sa pangalan lamang nagkaiba dahil wala naman talagang sinusulong silang mga isyu na hindi napapansin ng lipunan na dapat isulong ng mga Party-List upang mapansin ang mga marginalized na mga isyu.
Bago bumoto ng Party-List, itanong niyo muna kung gaano na sila katagal na partido. May napalanunan na bang puwesto kahit man lamang sa barangay o sa LGU? Ilan na ang kanilang miyembro? Nagmimiting ba sila upang malaman ng mga miyembro nila kung ano ang Partidong kanilang pinasok?
Nagkakaroon ba ng halalan ng mga namumuno rito? Kung ang pinuno noong sinimulan ay iyon pa rin hanggang ngayon at hindi naman nagkakaroon ng halalan para sa mga uupong opisyal, papaano natin sila itututring na partido? Hindi kaya na ang party-list na hindi halal ang mga opisyal ay pag-aari ng isa o iilang mayayaman at sila lamang ang masusunod at hindi naman pala ang partido?
Sa pananaw ko, dapat nang walain ang party-list. O, kaya, bakit hindi gumawa ng patakaran na ang party-list ay hindi makatatanggap ng pork barrel? Na ang “pork” ay para lamang sa mga kongresistang mayroong distrito na nagkakailangan ng tulay, eswelahan, kalsada at ganitong mga proyekto. Dapat rin siguro na walain na rin ang “pork barrel” ng Senador. Si Ping Lacson na hindi gumamit ng “pork” kahit minsan ay mukhang mananalo naman sa parating na halalan. Hindi pa ba patunay ito na hindi kailangang bigyan ng “pork” ang mga Senador?
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com
# # # #
hvp (04.16.07)
—–
Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com
Post a Comment