Abante (05.03.07)
Deretsahan
Payo kay Mike A.
ni Horacio Paredes
Nagpapasalamat ang Pangulo at kasama na rin ang maraming Pilipino na ang First Gentleman Jose Miguel Arroyo ay mukhang naibalik ng kaniyang mga duktor sa kalusugan.
Ayon sa kaniyang mga duktor, dapat na alagaan ni Mika ang kaniyang sarili. Halimbawa, dapat na umiwas siya sa mga gawaing high-stress. Ang aking mabibigay na payo kay Mike ay ganito: Baka naman maaaring itigil mo na ang mga sinampa mong mga kaso ng libelo laban sa napakaraming mga mamamahayag. Sa totoo lamang, napaka-stressful nang pagtungo sa korte at pagharap sa ilang mga hukom at abugado dahil sa kasong liblo na iyong isinampa. Baka dito ka pa madali.
Makakabuti pa rin sa pananaw ng mamamayan sa pamamahala ng iyong misis kung iurong mo na ang mga kasong ito. Hindi ko alam kung narinig mo ang lahat ng mga pagdarasal na ginawa ng mga Pilipino upang makabalik ka sa kalusugan. Kahit hindi ka matututring na paborito naming mamamayan, naroon pa rin ang pananaw sa iyo ng taong-bayan na ayaw nilang may mangyari sa iyong masama.
Kaya, kahit hindi ka naman humihingi ng payo, ayan na nga ang payo ko – iurong mo na ang mga kasong iyan.
Isa sa mga nagpapasama sa dating ng pamamahala ni Gloria ay ang ginagawang pagdidiin ng Secretary Raul Gonzalez sa mga tinuturing niyang mga kaaway ng pamahalaan. Kung ano ang nakikitang masama kay Raul Gonzalez dahil sa kaniyang pagiging pikon, ganoon na rin ang pananaw kay Mike Aroyo ng mamamayan. Kaya, upang mas matuwa ang tao sa inyong mag-asawa dapat sana’y iurong na ni Mike ang napakaraming mga kasong libelo na kaniyang sinampa laban sa napakaraming mamamahayag.
Sa totoo lamang, kahit napapahirapan natin ang mga naglibelo sa atin, nahihirapan rin ang mga nagsasampa ng kasong libelo at, sa katapusan, hindi rin naman makukulong ang mga inaakusahan natin at, pagkalipas ng mahabang panahon, kinkalimutan na rin ng mga nagbabasa kung anuman ang sinulat tungkol sa atin ng mga mamamahayag.
* * *
Imbes na mainis tayo kay Raul Gonzales, ang mapag-away at kulang sa katinu-an na Secretrary of Justice, dapat pa nga yatang kaawaan na lang natin ito. Masakitin na siya at malapit na rin siyang matatanggal sa kaniyang puwesto. Maaaring mangyari ito dahil sa kaniyang problema sa kalusugan. Maaari ring dumating na ang oras na haharap na siya sa Maykapal. Baka rin, kahit na siya’y nilagay sa puwesto bilang gantimpala sa ginawa nila ni Kiko Pangilinan na pag-“noted” sa halalan noong 2004, baka rin dumating na rin ang panahon na hindi na kailangan ni Gloria Arroyo ang katarayan ni Gonzales.
Hindi rin naman kasi siya bagay na Secretary of Justice. Ang kailangan diyan ay hindi iyong naghahanap ng kaaway. Mas mahalaga sa isang Secretary of Justice ang matulungin sa kapwa ay may pusong-mamon sa mga mahihirap. Hindi ang kayabangan ang kinakailangan sa DOJ kundi ang katarungan.
Ito ang hindi kayang ibigay ni Gonzales dahil wala siyang katarungan sa kaniyang buhay na inubos at pinuno niya ng kayabangan at pagpapayaman.
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com
# # # #
hvp (04.30.07)

Post a Comment