Skip to content

06.07.07 Abante

Abante (06.07.07)
Deretsahan

Walang Liderato sa Kongreso

ni Horacio Paredes

Nakakahiya na ang ating mga kongresista. Kung kailan kanilang ika-100 na taon hindi man lamang sila nakapag-session dahil sa kulang sa quorum ang mga dumating na kongresista. Ang hinala ng marami ay nabayaran ang karamihan sa kanila ng mga dayuhang pharmaceutical companies upang hindi matuloy ang panukalang batas na magpapamura ng mga gamot, lalong-lalo na ang mga mamahaling gamot na kinakailangan upang manatili ang buhay ng mga mayroong mga grabeng sakit.
Sa India at Pakistan kung saan mayroon silang parehong batas sa pinapanukala ni Senador Mar Roxas, ang binibili natin sa Pilipinas sa halagang P70 ay P5.00 lamang. Ito ay ang Norvasc na gamot sa alta presyon. Marami pa ring iba pang gamot na maaari sana nating ipamura ang presyo kung maipapatupad lamang ang batas na ito.
Ang panukalang batas ay nasa third reading na. Ang ibig sabihin ay kung magkaroon lamang ng kahit na isang araw ng session ay agad-agad magiging batas na ito. Kung hindi naman ito maipasa ng 13th Congress na patapos na ngayon, sa papasok na 14th Congress ay kinakaiangang ibalik na naman ang panukalang batas na ito sa unang hantungan o first base na naman. Ilang buwan o taon na naman ang lilipas bago ito makabalik na naman sa third reading.
Hindi nga talaga maganda ang liderato ng kongreso, lalong-lalo na ang pagdadala ni Speaker Joe de Venecia.
Bakit sa ilalim ng ibang mga Speaker ay nagkakaroon ng quorum? Bakit sa liderato ni Speaker De Venecia ay palaging walang quorum. Sinusuholan pa niya ang mga kongresista upang dumalo sa mga session ngunit hindi pa rin niya nakukuhang sapat ang kanilang bilang upang maaari silang makapagtrabaho. Anong klaseng liderato ang ganito?
* * *
Ano ang nangyari sa Team Unity? Bakit ganoon na lamang ang pagka-talo nila na baka pa nga dalawa lamang sa 12 nilang kandidato sa pagka-Senador ay lilitaw? Hindi ko naman nakikita ito na hatol ng botante sa walang-kwentang liderato ni GMA. Ang basa ko nito’y nagkaroon tayo ng isang halalan kung saan tunay na palitaw natin ang damdamin ng mamamayan.
Papaanong nanalo si Antonio Trillanes na kinakalaban ng pamahalaan at kanilang kinulong pa. Wala itong kwarta at halos wala itong nagawang kampaniya. Ang tanong? Papaano siyang nanalo?
Tiyak na sinuportahan siya ng mga kapwa niya sundalo dahil sila lang naman ang tunay na nakakakilala kay Trillanes. Tiyak na ang karamihan ng boto niya’y nanggaling sa mga sundalo at sa mga kamaganak nila. Sunod ay ang mga taga-Bicol at ang mga naniniwala sa ginustong gawain na pagbabgo noong kinuha ni Senador Tony Trillanes ang Oakwood.
Ang sigurado’y hindi nakapagdayaan nang gaano sa halalang ito dahil sa bukas ang mga mata ng media at pati na rin ang mata ng mga mamamayan. Maraming tangka ng pandaraya na nabulgar kung kaya hindi naituloy. Walang magawa ang Comelec kundi i-recanvass ang mga lugar na ito at, kahit na mayroon pa ring nanatiling pandaraya, nabawasan na ito at mas malapit sa katotohanan ang nabilang na boto. Kaya, ganyan ang naging resulta ng halalang ito!
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com

# # # #
hvp (06.06.07)

—–

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*