Abante (06.14.07)
Deretsahan
Imbestigasyon sa “Garci Boys”?
ni Horacio Paredes
Gusto raw pa-imbestigahan ni Commissioner Rene Sarmiento ang mga taga-Comelec na nasangkot sa “Hello, Garci.” Ang mga ito ay ang mga nabanggit sa mga usapan ni Garci at ng iba’t-ibang pulitiko. Napansin ni Sarmiento na pinakabagong Commissioner na marami sa mga “Garci boys” ay tumaas pa ang tungkulin.
Marami ang sasang-ayon sa layunin ni Sarmiento; ngunit sa pananaw ko’y walang pag-asa na mayroong mangyayari sa kaniyang gustong pagsusuri. Hindi kaya ni Sarmiento napapansin na sa Comelec ay hindi nila pinapansin ang “Hello, Garci,” at parang dinededma lamang nila ito.
Ang Comelec ay naiiba sa Senado kung saan kahit sinong Senador ay maaaring magsimula ng imbestigasyon sa kahit anong bagay. Ang Comelec ay isang collegial body. Ang ibig sabihin nito ay kinakailangang pag-usapan ng lahat kung anuman ang dapat nag gawain ng Comelec. Kung hindi pumayag ang iba na suriin ang mga “Garci boys,” hindi ito mangayayari.
Sa ngayon, ang lahat na Commissioner ng Comelec ay si Gloria Arroya na ang appointing power. Dahil dito, maaari tayong magduda na baka wala sa kanlang mga Commissioner ni Gloria ang gugusto na kanilang buksan pang muli ang “Hello, Garci” sa dahilang kung gagawain nila it, baka mapahiya ang kanilang patrona.
* * *
Naalala pa ba ninyo noong sana’y tatakbo si Robin Padilla sa pulitika. Mabuti naman na hindi na siya tumuloy dahil napaganda ng buhay niya ngayon bilang artistang magaling na para ring mas gumagaling habang tumatagal siya sa kaniyang napiling profesyon.
Ang punto ko rito ay ito: ang pulitika’y hindi para sa lahat. Sa buhay ngayon ni Robin, nakikita natin na masaya siya sa ilalim ng Islam kung saan ang pangalan niya ay Abdul Azis. Siya rin ay isang mabuting ama at asawa. Natigil ang kanikyang mga bisyo at – sa pelikua niyang “Blackout” na bumukas kahapon, ibang-iba ang kaniyang pinapel. Nakikita rin natin na bumubuti ang kaniyang pag-arte habang siya’y tumatanda. Nagiging tunay na artista si Robin — hindi lamang isang movie star kundi tunay na actor na siya!
* * *
Marami akong sulat na natanggap tungkol sa aking payo na huwag nang isulong muli ang Cha-Cha at ang Impeachment. Isa ito sa mga sulat na ating natanggap: “Hi Duck, sa tingin ko, kung yung Cha Cha ni De Bola, ay talagang malabo ng mangyari, yung Banta naman ni Trillanes na Impeachment ay malay mo baka makalusot, tulad ng nakakagulat niyang makapasok sa Magic 12, sa nangyayari ngayong bangayan ng mga tuta ni Gloria sa Kongreso, tingnan natin, baka sumabog sila, sana huwag munang makisawsaw diyan ang oposisyon, hintayin muna nilang mawasak ang hanay nila, saka sila umatake.”
* * *
Baka Sakali? Tatatlongpu ang oposisyon sa Kongreso laban sa dalawang-daan. Ano ito? Sine? Gaya ng sineng “300” na tatlong daan laban sa ilang libo? Sorry. Hindi ninyo ako mapapaniwala sa napapaginipan ninyo nang gising sa tanghaling tapat. Kung milagro ang pagpasok ni Trillanes sa Senado, dapat magpasalamat tayo sa milagrong iyon at hindi dapat umasa pa na mas marami pang milagrong mangyayari sa kaniya. Milagro na nga ang nangyari, aasa pa tayo nang dadag na milagro? Napaka-impraktikal naman yata ng ganoong pag-iisip!
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com
# # # #
hvp (06.13.07)
—–
Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com
Post a Comment