Abante (12.28.06)
Deretsahan
Ang Problema ng Kapitalista
ni Horacio Paredes
Maaring mayroong ilan na ang itatawag sa akin ay “kapitalista.” Mayroon akong negosyo sa Antipolo na nag-didistribyut ng beer at soft drinks. Hindi umaabot sa 30 ang tauhan. Apat lamang ang aking trak at dalawa ang bodega. Sa totoo lamang, sa lahat ng gastusin, halos nakakahinga lamang ang negosyong ito. Ang pinakamasaganang parte nito ay ang aking tuwa na ako’y nakakabigay ng trabaho sa ilang kapwa-Pilipino. Halos wala akong kinikita rito.
Ang aking mga manggagawa’y sumasahod ng minimum wage lamang ngunit ang ilan ay mayroon maliit na productivity bonus. Maliliit lamang ang kanilang kinikita ngunit napapansin ko naman na marami na sa kanila ang nakabili ng sariling motorsiklo. Ang ilan ay mayroon nang sarili nilang negosyo. Ang isa’y may trisikel.
Sa aking pananaw, kung mapipilitan akong magdaghdag sa kanila ng P125 o P150 kada buwan baka tatanggalin ko na ang kanilang productivity bonus o kaya’y lalabag na lamang ako sa batas. Sa katunayan, halos wala na nga akong kinikita. Mas lalago pa ang kwarta ko kung ito’y nasa bangko lamang kaysa sa ngayon na ito’y nasa negosyo.
Sa dami ng gastos – buwis, diesel, repair ng sasakyan, SSS, Philhealth, koryente, tubig, upa at iba pa – baka lumitaw, kung talagang itataas ang sahod, na mas mabuti pang magsera na lamang.
Ang sasabihin ng marami na ang mga kapitalista’y nagdadagdag sa singil kapag lumiliit ang kita dahil sa inflation. Maaring totoo ito sa mga malalaking kumpaniya kagaya ng aking pinagkukunan ng aking tinitinda. Ngunit, kaming nasa gitna ng kumpaniya at ng customer ay walang mapupuntahan. Hindi naman namin maaaring dagdagan ang presyo dahil ito’y nanggagaling sa kumpaniya at, kung gawain rin namin ay baka wala nang bibili sa amin dahil magiging mas mura ang kuha nila sa ibang nagdadala ng produkto.
Sa panukalang batas na tinalaga ng Kongreso, sa 2007 ay P45 ang dapat idagdag sa sahod; sa 2008, P40 at ganoon rin sa 2009.
Hindi naman sa tinitipid ko ang mga manggagawa ko; kaya lamang, talagang hindi ito makakaya sa kasulukuyang diskwentong binibigay sa amin ng kumpanya. Kaya, kung ito’y ipasa rin ng Senado at pirmahan ng Presidente, baka talagang mawawalan na ako ng negosyo at tatlumpung kapwa ko Pinoy ang masisisante kasabay ng pagsera ng negosyo ko.
Iyan ang problema ng mga negosyante sa legislated wage hike. Alalahanin na ang karamihan sa mga negosyo ay maliliit na kumpanya na narirriyan lamang sa 30 hanggang 50 ang mga manggagawa. Maaring hindi gaanong maaapektuhan ang mga malalaking korporasyon (dahil nga sa maaari nilang dagdagan ang presyo ng produkto upang sigurohin ang kanilang kita). Ang tatamaan ay ang mga maliliit na negosyo kung saan nagtatrabaho ang karamihan ng ating mga manggagawa.
Sana naman ay hindi ganito ang hinaharap ng mga maliliit na negosyante sa darating na bagong taon.
* * *
Ipagdasal natin na maging mas mapayapa ang ating bansa, mas maunlad ang ekonomiya’t mas magiging totoo ang mga namumuno sa bansa. Sana rin ay tigilin na nila ang kanilang mga hidwaan upang baka naman mabawasan rin ang kasakiman at ang mga patayan.
Manigong bagong taon sa inyong lahat.
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com
# # # #
hvp (12.27.06)
—–
Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com
Post a Comment