Abante (12/22/05)
Deretsahan
Chief Justice Panganiban
ni Horacio Paredes
Mayroon pa bang nagulat na si Artemio Panganiban, dating travel agent, ay ang pinili ni Gloria Arroyo na bagong Chief Justice ng Korte Suprema? Sa aking pananaw, matagal na itong nadesisyunan – noon pang Edsa Dos kung saan si Panganiban ang gumawa ng paraan upang panumpain ni Chief Justice Hilario Davide, Jr. si Gloria Arroyo bilang Pangulo, kahit na mayroon pa noong nakaupong Pangulo – si Joseph Estrada.
Ayon na rin kay Panganiban, habang nangyayari ang Edsa Dos, kaniyang binuksan ang kaniyang Biblia at ito’y bumukas sa pahina kung saan ang nilalaman ay ang pagbabalik ng Zion. Ayon kay Panganiban, ang intindi nito ay dapat nang mapalitan si Estrada bilang Pangulo. Dahil dito at sa sulat sa kanila ni Bise Presidente Gloria na hindi na makakaya pa ni Erap na mamuno, pinanumpa ni Davide si Gloria bilang “acting President.”
Noon pa lamang, nalaman na ni Panganiban na siya ang papalit kay Davide sa pag-retiro nito. Kaya kung nagulat pa kayo, talagang malaki ang pagiging huli ninyo sa balita!
Pagkalipas ng panunumpa, natauhan ang Korte sa kanilang napakalaking pagkakamali. Una, hindi naman ang Korte ang dapat na magdesisyon na panumpain ang Presidente. Wala silang karapatang gawain ito kung hindi pa sinasabi ng Kongreso na pinalitan na nila ang Presidente.
Ang sulat ni Gloria sa kanila’y walang ring bisa dahil ang dapat sumulat ay iyong Presidente mismo o kaya ang mayoria ng kaniyang Gabinete. At, ang sulat ay hindi tinutungo sa Korte Suprema kundi sa Kongreso, kung saan pinoproklama kung sino ang dapat na umupo bilang Pangulo.
Kaya tuloy, noong kanila nang desisyunan ang rekalmo ni Erap na walang karapatan si Gloriang umupo bilang Presidente, gumawa ang Korte Suprema ng isang bagong kwento. Ang Presidente’y matatanggal lamang kung ito’y mamatay, atanggal sa impeachment, hindi na makakayang maglingkod o kaya’y magbitiw. Buhay pa si Estrada, hindi rin natuloy anf impeachment at hindi maaaring sundin nila ang sulat sa kanila ni Gloria. Wala nang ibang paraan kundi sabihin ng Korte na nagbitiw si Erap.
Kaya nga, sinabi ng Korte na nagresign raw si Erap. May sulat ba si Erap? Wala. Binigkas ba ni Erap na siya’y umaayaw na? Hindi rin.
Ngunit, ayon sa Korte, tinuturing raw nila si Erap na, sa pamamagitan ng kaniyang mga gawain na “constructively resigned.”
Dahil sa desisyung ito, nawala ang tiwala ng tao sa Korte Suprema. Ang pagkapili kay Artemio Panganiban bilang Chief Justice ay hindi nakatulong sa imahen ng Korte. Ang epekto pa nga nito’y lalo lamang nalugmok ang Korte sa sarili niyang dumi. Wala tayong maaasahan sa Korte Supremang hindi sumusunod sa Saligang Batas at walang respeto sa karapatan ng iba.
Mayroong sinulat ni Panganiban sa isa niyang desisyun: Bakit pa kami tinawag na “Korte Suprema” kung hindi kami makapangyarihan sa lahat?
Kung ganyang kayabang ang ating Korte, papaano ito makakasilbi sa mamamayan, lalo na ang mga walang kapangyarihan na inaapi ng mga makapangyarihan sa ating lipunan?
* * *
Maari kayong mag-email sa duckyparedes@gmail.com
# # # #
hvp (12.21.05)
—–
Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment