Abante (03.20.07)
Deretsahan
Dapat Bang Ibalik ang R.A. 1700?
ni Horacio Paredes
Ang Republic Act 1700 ay pinamagatang “Anti-Subversion Law.” Ang nilalaman nito’y ang ang pagbabawal sa pagsanib sa Partido Komunista ng Pilipinas. Sa ilalim ng batas na ito’y maaaring hulihin ang sinumang pinaghihinalaang kasapi ng Partido Kominista. Wala nang kinakailangang pang ibang alamin kundi ang hinala na ang tao’y isang Komunista.
Binuo ito noong panahon ni Presidente Magsaysay kung kailan ay napakalakas ng Hukbulahap at, bago dumating si Magsaysay, ay nanganganib na baka manalo pa sila at kanilang maitumba ang pamahalaan.
Noong 1986, nang mangyari ang EDSA People Power Revolution nagkaroon ng pagbabago sa pag-iisip at timpla ng lipunan. Marami sa mga matagal nang nagrerebelde ang bumalik sa lipunan. Mga anak na matagal nang hindi nakikita’y lumitaw muli upang mabuhay ng mapayapa bilang mamayan ng lipunan at ng kanilang mga pamilya. Naisip noon na maaari nang tapusin ang matagal nang labanan ng mga puwersa ng pamahalaan at ng mga puwersa ng Komunista na New People’s Army. Dahil dito, noong 1992, ay pinasa ng Kongreso at Senado ang pagwalang bisa sa R.A. 1700. Ini-repeal ang batas na ito.
Tama lang naman ito. Bakit naman kasi mayroong tayong batas na pinagbabawal ang isang ideya o sistema ng pamumuno na kahit na nga sa Amerika at Europa’y hindi nila pinagbabawal. Naisip noon, na gawain ang tama at tanggalin na ang isang batas sa ating kodigo sibil na hindi naman makatarongan.
Ano ang nangyari mula noon? Dapat sana’y manguna ang serbisyo sa bayan; dapat sana’y mas nangunguna ang mga progresibong mamamayan sa pagharap sa problema ng kahirapan; dapat sana’y ang mga biyaya na mabibigay ng lipunan ay pinahahati-hatian nating lahat.
Ngunit, hindi ito nangyari. Imbes, pangungurakotpa rin ang madalas na ginagawa ng mga namumuno. Marami ring kapalpakan ang mga namumuno at pulitika ang naging sanhi ng walang kabutihang nangyayari sa ating bansa. Ang mga mayayaman ay lalong yumayaman; ang mga kurakot ay lalong nakakapangurakot.
Kaya, ayan, walang kabutihang naidulot ang pagkaka-repeal ng R.A. 1700 at ang militar ay lalong lumakas dahil sa wala namang lideratong naipakita ang mga sibilyang namumuno. Kaya ngayon, ayan at hinihingi muli ng militar na ibalik ang R.A. 1700 upang mabigyan ang military ng kapangayarihang manghuli ng lahat na kanilang pinaghihinalaang kalaban ng Estado.
Ang pinakikita ng militar ay ang kanilang kabobohan. Wala silang ibang alam kundi ang magpahirap sa tao at manghuli’t mambugbog at mag-planting ng ebidensiya kagaya ng baril upang makasuhan ng illegal possession ang kanilang pinahihinalaan na mga kasapi ng Partido Komunista. Gusto nilang ibalik ang Pilipinas sa panahon ng Martial Law kung kailan napakalakas ng militar natin at lahat tayo’y nagpapakita ng ating takot sa militar.
* * *
Hindi pa kaya nakakahalata si Hukom Ephrem Abando ng Leyte Regional Trial Court (RTC) Branch 18 na nagpagait siya sa militar? Nang kaniyang nabalitaan na hinuli na si Satur Ocampo na inisyuhan ni Jude Abando ng Arrest Warrant, pinaaalam nmg hukom na maaari namang hindi nila dalhin si Satur sa Hilongos kung saan naroroon at RTC Branch 18 ng Leyte, dinala pa rin ng military ang kanilang hinuli sa korte ni Abando.
Sa totoo lamang, hindi ko makita kung papaanong makakasuhan si Satur ng Murder dahil lamang sa mayroong nakitang mass grave sa Hilongos. Ayon sa hukom si Satur ay isa sa mga nag-utos na patayin ang mga naroroon sa mass grave. Papaano ito patutunayan sa korte? Mayroon bang mapapakatiwalaang saksi na m,akakapagsabi na si Satur mismo ang nagpapatay sa mga tio?
Nakakapagtaka pa nga kung bakit pinatulan ni Judge Abando ang ganitong kaso. Alam kaya in Judge Abando ang kaniyang ginagawa?
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com
# # # #
hvp (03.19.07)
—–
Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com
Post a Comment