Skip to content

Tulungan ang OFW

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Mayroong sumulat sa atin: “Magandang araw po Mr. Paredes, isa po akong masugid na mambabasa ng inyong kolum, gusto ko lang pong isumbong sa inyo itong isang Muslim nating kapatid diyan sa loob ng NAIA na harap-harapan na humihingi ng ‘supporting pesos’ para matatakan niya ang mga papers mo. Siya po ay Visa reader na naka poste sa Cathay Airways counter. Pagbigay mo sa papers mo agad niyang tatanungin kung may sinabi ang Agency sa iyo. Pagsinabi mong wala ay marami siyang sasabihin at hinahanap na ibang dokumento at pagkatapos ay sasabihin niya sa iyo na bumalik ka sa kanya, sa tunog pa lang ng salita niya ay may “Hinahanap siya.” Syempre pera ang hinahanap niya, isa po ako sa kanyang biktima.
“Sana po ay paki ilathaha ninyo sa inyong kolum para malaman ng lahat ng kababayan natin ang ganitong modus operandi nitong taong ito.” – OFW na Ayaw Magpabanggit ng Pangalan
* * *
Madalas na sinasabi ng mga namumuno sa bansa na ang ating mga Overseas Filipino Worker (OFW) ay ang mga bagong bayani ng ating bansa. Totoo ito; ngunit, kadalasan ay hindi sila tinuturing na bayani. Imbes, sila pa’y pinagsasamantalahan kahit na ng ilang kawani ng Pamahalaan.
Nalalaman nila ito diyan sa NAIA kung saan dumadaan ang libo-libong OFW na umaalis linggo-linggo. Ngunit, kahit na nalalaman na ito ng mga pinuno sa NAIA, wala pa rin silang ginagawa upang pagaanin ang ginagawa ng iilang masasamang tao na sinasamantalahan ang ating mga bagong bayani ng Bansang Pilipinas,
* * *
Mayroon tayong policy na pinagbabawal ang pagpunta sa Iraq ng ating mga OFW. Ito ay upang mailigtas sila sa panganib. Maraming masasamang nangyayari sa bansang iyon at mayroon pa ngang na-kidnap na ating kababayan kung kaya tinigil na ang pagpadala doon ng mga OFW.
Bawal nga ang pagtungo ng OFW sa Iraq; ngunit kung ating sususriiin malalaman natin na napakaraming mga OFW ang tumutungo pa rin sa Iraq. ‘Ika nga ng iang nag-email sa akin na sila’y tutungo kung saan mayroong trabaho bawal man o hindi. Dahil sa maraming mapapagtrabahuan sa Baghdad at iba pang parte ng Iraq, tutungo roon ang Pinoy kung mayroon siyang pagkakataon na ma-empleyo sa magandang sahod. Hindi na nila tinatanaw ang panganib kundi lamang ang pagkakaroon ng maaaring pagtrabahuan.
Ilan na ang mga Pinoy na nasa Iraq sa ngayon. Ayon sa isang naroroon na Pinoy, hindi raw sila bababa sa limang libong mga Pinoy na nasa bansang iyon. Samakatuwid, kung ang ating iniiwasan ay ang malagay sa panganib ang mga Pinoy na OFW, hindi rin ito natutupad sa dahilang naroroon pa rin sila at nasa panganib. Maaari rin silang mamatay sa pamamagitan ng bomba. Maaari silang makidnap o malagay sa alanganin.
Kamakailan, lumitaw ang kuwento na nagkaroon ng 51 na Pinoy OFW na nag-akalang magtatragaho sila sa Dubai nang sila’y isakay sa eroplanong patungong Baghdad kung saan sila’y nakapagtrabaho sa pag-gawa ng US Embassy sa gilid ng Ilog Tigris.
Sa aking pananaw, habang pinipikit ng pamahalaan ang kanilang mga mata sa problema ng napakaraming Pinoy na nasa Iraq kahit na wala itong mga papeles ay mas nalalagay ang mga ito sa panganib. Dahil sa naroroon naman talaga sila sa Iraq, dapat lamang na tanggapin natin ito at bigyan sila ng kung anumang maaaring proteksyon sa pamamagitan ng ating Philippine Embassy sa Baghdad.
Sa balitang tinatrato ang ilang mga Pinoy na parang mga alipin, ano ang ating nagiging sagot? Wala; dahil, ayon sa pamahalaan, bawal namang tumngo sa Iraq ang mga Pinoy. Kung ganoon, papaano magkakaroon ng mga Pinoy sa Iraq?
Ang mga OFW ay ang mga bagong bayani ng ating bansa. Dapat lamang na ituring natin sila na tunay na mga bayani natin, imbes na parang tinataboy lamang natin at hindi pinapansin pwera lamang kung talagang kailangang-kailangan na silang pansinin.
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com

# # # #
hvp (08.06.07)
# # # #
hvp (08.06.07)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*