Diretsahan
ni Horacio Paredes
Tama ang ginawa ni Mayor Alfredo Lim noong kaniyang sinagot ang pangangamba ng mga may-ari ng mga karaoke bar sa Maynila na kaniyang pag-aaralan kung papaano maisasa-ayos ang kanilang negosyo. Maari pa ngang gujmawa ng ordinansa sa pabibigay ng lisensiya sa mga GRO ng mga lugar na ganito, ayon sa alkalde.
Sa totoo, marami sa mga may negosyong ganito ang natakot noong nanalo si Fred Lim sa pagka-alkalde. Akala kasi nila na serrado ang isip ni meyor sa mga ganitong bagay. Sinabi nga sa kanila ni Mayor Lim na ang kaniyang pinagbabawal ay ang mga hubad na palabas at ang prostitusyon. Bawal ang “bar fine” kung saan magbabayad lamang ang customer at maaari na niyang iuwi ang GRO. Ang mga maaayos na negosyante naman ay ayaw rin ng ganito dahil sa gulo lamang ang uuwian ng mga ganitong patakaran.
Dapat lamang na ang isang lungsod ay pinangangalagaan ang kahit na anong negosyo ang nasa loob nito dahil sa ang negosyo’y nagbabayad ng buwis at nagbibigay ng empleyo sa mga residente ng lungsod. Kahit malaki o maliit ang negosyo’y dapat na tinutulungan ng pamahalaan.
* * *
Huwag sana nating inuunahan ang Sandiganbayan sa kanilang magiging hatol sa kaso ni Pangulong Joseph Estrada. Sa mga binibitawang salita kasi ng pamahalaan para na nilang inuunahan ang korte na ito’y hahatulan si Erap ng “guilty.” Pagbabastos ito sa mga hukom ng Sandiganbayan.
Marami ang nagsasabi na dahil sa pulitika, hindi maaring ang magiging hatol ay ang pagwawalang sala kay Erap. Para naman sa akin, hindi naman ang mga bagay na pampulitika ang nasasa-isip ng mga hukom ng Sandiganbayan sa kanilang gagawaing paghatol kay Joseph Estrada kundi ang batas at ang ebidensiya.
Pagbigyan naman natin ang Sandiganbayan at huwag nating unahan ng ating mga kuro-kuro at hinala. Let justice prevail.
* * *
Nasa Hong Kong ako habang sinusulat ko ito. Sa totoo lamang nakalulungkot kapag nasa ibang bansa tayo dahil sa nakikita natin kung papaano naiiwanan ang ating bansa ng mga kalapit bansa natin. Matagal na rin akong hindi nakarating dito kaya nagugulat na ako sa mga bagong naitayo sa lungsod mula noong huli kong pagbisita.
Ang hotel namin ay nasa Wanchai District na noong una kong pagbisita sa Hongkong (1960 pa) ay lugar ng mga iskwater at hindi pinupuntahan ng mga turista. Ngayon ay marami nang negosyo rito at napakaganda na.
Bakit hindi natin kayang sabayan ang mga kalapit bansa natin sa pagiging moderno at progresibo? Dahil kaya sa pulitika o sa kurakot? Bakit kasi sa atin ay parang ang kinikita nila habang nasa puwesto ang mas mahalaga imbes na kung ano ang kanilang nagagawang maganda para sa bansa at sa kanilang lungsod.
Sa ating mga naging Pangulo, isa si Ramon Magsaysay na hindi nadagdagan ang yaman habang siya ay presidente. Naalala ko si Presidente Magsaysay dahil sa kaniyang kaarawan ngayong araw. Sana’y magkaroon tayo ulit ng isang Pangulong kagaya ni Magsaysay na tapat ang paglingkod sa bayan at sa atin. Kailan kaya ito mangyayari ulit?
# # # #
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment