Deretsahan
ni Horacio Paredes
Kung minsan matatanong mo sa sarili kung mayroon pa bang pag-asa ang bansa nating magbabago. Para kasing nabaon na ang ating mga namumuno sa kasamaan. Kamakailan lamang, sa isang pagpulong sa Malakanyang, napakaraming mga opisyal ng mga Local Government Unit (LGU) ang na-abutan ng P200,000 hanggang P500,000 na nasa paper bag lamang. Walang voucher ito at wala ring sinabi kung para saan ito. Maari raw gamitin sa parating na barangay election o kaya’y sa kahit na anong proyekto na gugustuhin ng opisyal.
Nang lumabas ang balita na mayroong pinumod na kwarta, tinaggi ito ng mga LGU at ng samahan ng mga opisyal natin. Nagsinungaling kaagad ang mga demonyo!
Mabuti na lamang na ang isa sa mga gubernador natin ay isang monsignor kung kaya nabunyag kaagad na mayroon talagang pinamudmod. Sa kalinisan ni Gubernador Ed Panlilio ng Pampanga, kanya pang tinatanong sa Malacanang kung ano ang kanilang ilalagay na pangalan sa official receipt na gagawain ng kaniyang opisina upang matanggap ng Office of the Governor ng Pampanga ang kwartang ito.
Ang iba namang mga gubernador ay panay ang tanggi. Wala raw silang kwartang natanggap! Wala raw pinamudmod na kwarta sa kanila. Naiintindihan naman natin ang mga iba nating guberernador na tinatanggi na mayroon silang kwartang natanggap. Siyempre ayaw nilang malaman sa kanilang lalawigan na mayroon silang salapi na galing sa palasyo na siyempre ay salapi ni Juan de la Cruz dahil ayaw nilang gamitin ito para sa kanilang bayan o lalawigan. Kung sasabihin nilang mayroon silang tinaggap, hindi kaya na napakahaba ng pila sa harap ng kanilang mga bahay pag-uwi nila sa kanilang mga lalawigan. Sa totoo, ang marami sa kanila’y ibubulsa ang kwartang ito at hindi gagamitin para sa mga proyekto.
May pag-asa pa ba ang bansang ito sa ganoong halos na ang lahat ng namumuno kahit saan silang lalawigan nangaling ay parang mga mukhang pera na at wala nang inaatupag kundi ang sarili at ang pagpayaman sa sarili at sa mga pamilya nila. Papaano natin malalaktawan ang mga kalapit-bansa natin kung saan ang mga namumuno sa kanila ay tunay na public service ang binibigyan ng halaga at hindi ang sariling kapakanan?
Sa Singapore, halimbawa, ang sinasabi nila sa mamamayan ay ang dapat na maging katumbas sila sa mga manggagawa ng mga mauunlad na bansa. Ganon rin ang kanilang pamahalaan. Halos walang graft and corruption sa kanila at pinaparusahan ang mga lumalabag sa batas kahit kung sino pa sila. Tiyak na tuloy ang pag-unlad ng Singapore at mga bansang kagaya nito kung saan tunay na mayroong rule of law. Sa atin, kahit madalas nabibigkas ang salitang “rule of law,” sa katunayan, ang ating totoong rule dito ay ang palakasan.
Kung ano ang Singapore, bale ganoon na rin ang Malaysia. Ang mga ganitong bansa ay lalo pang uunlad. Sa atin, papaano uunlad ang bansa kung kahit na ang pinaka-matataas na opisyal ay suhol ang iniisip imbes na ang pag-unlad ng bansa?
May pag-asa pa kaya tayo? Sa aking pananaw, kung hindi magbabago ang uri ng ating mga opisyal, walang mangyayari sa Pilipinas. Tuluyang lalaktawan tayo ng ibang mga bansa sa Asya. Baka nga sa loob lamang ng sampung taon ay tumitingala na tayo sa Vietnam bilang isang mas maunlad na bansa kaysa sa Pinas!
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com
# # # #
hvp (10.15.07)

Post a Comment