Skip to content

Huwag Pulitiko sa Comelec

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Ayon kay Henrietta de Villa ng PPCRV (Parish Pastoral Council for Responsible Voting), ang dapat raw na umupo sa Commission on Elections ay ang hindi mga pulitiko:
“Iyong active politician itabi na muna natin kasi marami pa siyang baggage na kailangang i-resolve o isantabi. Kahit sa palagay mo walang siyang intension na panigan o pumanig sa isang partido hindi mo maalis iyon kasi active politician. Nakita na naman natin ang nangyari kapag isang active politician ang in-appoint.”
Maaari naman nating pagbigyan ang PPCRV dahil totoo naman na ang mga pulitikong umupo sa Comelec ay kadalasang nakikipaghalubili sa mga kapwa pulitiko at hindi natin maiiwasang mag-isip na baka kung ano ang kanilang inaaayos sa kanilang mga bulungan.
Ngunit, ang magiging problema naman ng mga hindi pulitiko’y ang kanilang dinedesisyunan ay tungkol sa pulitika. Kaya, paaano silang hindi papanig sa kung sino ang pagbibigyan. Baka lamang kasi mas maganda pa rin kung mga pulitiko ang nagpapatakbo ng pulitika dahil hindi sila maaaring malanse o malusotan. Madalas kasi na ang mga hindi marunong sa pulitika’y madaling naloloko ng mga sanay na sa gawain sa pulitika.
* * *
Huwag na sana nating iproblema pa kung si Erap nga ba’y kakampi na kay Ginang Gloria Arroyo. Kung mangyari iyon, di maghanap tayo ng bagong lider ng oposisyon. Ganoon lamang kadali iyon. Ngunit, sa aking pagkakilala kay Erap, hinding-hindi niya gagawain na kanyang tatalikuran ang mga taong matagal nang sumusuporta sa kanya at umaasa na mananatili pa rin siyang lider ng oposisyon.
Ngunit, huwag naman sanang hilingin na si Erap pa ang mangunguna sa paghingi nang pagbibitiw ni Gloria sa kaniyang puwesto. Unang-una, kahit naman noon ay hindi naman hinihingi ni Erap ang pagbibitiw ni Gloria. Ang mga iba ang sumisigaw nito at hindi naman pinakikinggan ni Gloria at wala namang nangyayari sa kanilang pagpipilit na mag-bitiw na si Gloria Arroyo.
Bakit ngayong pinalaya pa ni Gloria si Eap ay ngayon pa natin aasahan na si Erap ay sasali sa pagpilit nang pagbitiw ni Gloria sa ganoong halos alam na rin nating lahat na wala namang mangyayari sa kanilang mga sinisigaw.
Ituring sana natin si Erap na lider ng oposisyon at huwag na nating uunahan. Para sa akin, kung kailangan na ng mamamayan na kumilos si Joseph Estrada, mangyayari ito. Marami naman sa atin ay naiinip kung hindi nagtatawag ang mga lider ng himagsikan. Marami naman ang mga lider ng oposisyon na ganyan. Mahilig magtawag ng kagulohan, ngunit kung walang nangyayari sa kanilang panawagan ay wala rin naman silang gagawain. Ibahin naman natin sa mga palpak na iyan ang dati nating Presidenteng maka-masa’t tunay na makabayan.
* * *
Ang galling ng mga kumakalaban sa pagbigay ng executive clemency kay Erap. Nag-rally sila sa Makati at nakabuo sila ng dalawampung tao na nag-martsa laban sa pagkakalaya ni Erap. Kasama na rin nila ang mga puwersang sumusupporta sa gumawa ng Amari scam, centennial scam, IPP at mga kontrata ng mga IPP kung saan bayad tayo ng bayad kahit wala tayong ginagamit na koriyente sa kanilang itinayong mga generator! Sino naman ang sasama sa mga gan itong lider?
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com

# # # #
hvp (10.31.07)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*