Skip to content

Papaano Tayo Aahon sa Pagiging Dukha

Deretsahan

ni Horacio Paredes

          Mayroong nangumusta sa atin ngayong Pasko: “Nagtatarabaho ako sa Doha, Qatar. Siguro namn mas masaya ang pasko ninyo diyan sa Maynila. Kung napanood ninyo po ang Christmas presentation ng Wowowee, mas masakit isipin na sa kabila ng pinagmamalaki ni Gloria na maganda ang ekonomiya at wala daw nagugutom na Pilipino, bakit di po natin siya bigyan ng kopya ng palabas ng Channel 2 at baka di niya masikmura na ang mga batang paslit na natutulog sa labas ng kalye at di na nila inalintana ang simoy at lamig ng Pasko.

“Alam mo, sir, mas nasasaktan kaming mga Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa na makikita sa buong mundo kung papaano magcelebrate ng Pasko ang mga pobre.

“Gloria, maawa ka sa mga kababayan kong Pilipino habang ang bibig mo ay halos pumutok sa kangunguya ng hamon at ibang masasarap n pagkain samantalang ang mga kababayan ko pinababayaan mo. Patawarin ka sana ng Poong Maykapal sa lahat ng mga kasinungalingan mo at pagkagahaman sa posisyon at sa puwesto. Huwag mong pabayaan ang mga kababayan ko. Kaya ang kapwa ko mga Pilipino — magkaisa kayo kung ano ang dapat at saan nararapat ang mga buwis na binabayad natin. Iyon lang po.”

Napakarami na ng mga Pilipinong mahihirap na, ayon nga sa isang sermon ng Pari noong Pasko, natutulog na lamang upang mapalipas ang nararamdamang gutom. Ano nga ba ang gagawin natin sa ganitong sitwasyon? Naniniwala ako na kung mayroon lamang paraan, marami sa ating mga Pilipino ay tutulong sa mga mas dukha sa atin.

Halimbawa, ako’y napatulong sa Gawad Kalinga dahil na ito’y isang sinimulaan ng aking Rotary Club of Pasig sa isang proyekto sa lungsod ng Pasig. Ang tumutulong sa GK Village ng Pasig Rotary ay ang mga Couples for Christ. Hindi naman bahay lamang ang tinatayo ng GK kundi na rin ang community spirit ng mga taong nakatira sa kanilang GK Village.

Napakaganda nito para sa mga residente ng GK Village at pati na rin sa mga nagbibigay ng kwarta (P70,000 bawat bahay) at ng kanilang panahon upang mapaunlad ang mga tinutulungan na mga residente ng GK Village. Dahil sa nakikita ng taong tumutulong na ang kaniyang panahon at kwarta’y hindi naaaksaya, marami ang naaakit ng Gawad Kalinga na tumulong sa pagtataguyod ng mga proyektong GK!

Mayroon rin akong nakita – sa akin mismong Bangko, ang Palawan Bank (kung saan ako ang Chairman) – na pamamaraan kung papaano nakakatulong ang isang bangko sa mga mahihirap. Ito ang tinatawag na micro-lending, ang pagpapautang ng kakaunting salapi sa mga nagnanais magsimula ng negosyo.

Halimbawa, ang isang nagnanais magtayo ng tindahang sari-sari ay uutang ng P5,000. Wala naman siyang collateral o ano pa mang maaaring isanla. Pinauutang pa rin namin ito sa pamamagitan ng supervised credit kung saan binabantayang mabuti ang kaniyang negosyo at araw-araw silang nag-uusap ng taga-bangko upang masiguro na ang kwarta’y ginagamit sa negosyo. Kada linggo ang bayad sa utang at dumaraan rin sila sa mga seminar kung saan nagiging malalapit sa isa’t-isa ang mga naka-utang at ang mga tauhan ng bangko.

Sa madaling panahon pa lamang ay nababayaran na ang unang P5,000 at maaari na naman silang umutang ng P7,000 naman.

Sa ganitong paraan, unti-unting natutulungan ang mga maliliit na negosyanteng palakihin ang kanilang kapital at negosyo. Mayroon tayong maaaring magawa upang makatulong sa mga mas dukha; ang kinakailangan lamang ay ang mayroong mga gustong tumulong sa kanila.

Ang mga ito’y ginagawa na ng maraming mga bangko at mga NGO. Hindi na dapat pa nating hintayin ang gobiyerno dahil na rin na kadalasan ang mga namumuno naman kasi sa atin ay iba ang iniisip. Imbes na ang makatulong, ang kanilang hinahanap ay kung papaano silang matutulungan ng kanilang ginagawa upang lalong yumaman o kaya’y lalong maging sikat. Ang sarili ang tunay na tinutulungan at hindi ang mga mas dukha sa kanila.

# # # #

hvp (12.26.07)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

One Comment

  1. Lyndon Bajarias PHILIPPINES wrote:

    The column is good ot helps me in my research work in filipino but it’ll help a lot if you could tell me something about filipino poor who becomes rich because i really dont find any resources about the thing. Pls kindly help me in making my research a good one. God bless and more power.

    Friday, January 11, 2008 at 5:17 pm | Permalink

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*