Deretsahan
ni Horacio Paredes
Bago natin (at ng mga presidentiable) paghandaan ang halalan sa 2010, baka dapat na alamin muna nating lahat kung mayroon nga bang halalan sa 2010. Marami ang nangaalangan na baka walang halalan sa 2010 sapagkat gagawa ng sitwayon ang mga naka-upo na hindi nila iiwanan ang kanilang mga puwesto. Mananatili silang pangulo at mga miyembro ng gabinete, sa gusto natin at sa ayaw,
Papaano ito maaaring mangyari? Ang isang posibilidad ay ang pag-gamit ng pwersa at armas ng militar upang agawin ang kapangyarihan sa kamay ng mga sibilyan ngunit hindi pa rin mapapalitan si Gloria Arroyo. Ang unang patunay na mangyayari ito ay kung matuloy ang haka-haka na hindi magbibitiw si Hermogenes Esperon, Jr. bilang Chief of Staff ng military, sa nakatakdang araw ng kaniyang retirement sa unang linggo ng Pebrero.
Sa lahat ng mga nasa militar, si Esperon ang nalalaman ni Gloria na maaari niyang utusan ng kahit na labag sa batas at tutuparin pa rin ni Esperon ang iniuutos sa kanya. Nangyari na ito noong halalan sa 2004 kung saan maraming ginamit na mga heneral at iba pang opisyal ng militar na tumulong sa pandarayang ginawa upang ipapanalo si Gloria Arroyo sa halalang iyon.
Pagdating natin sa halalan ng 2010, ang buong Korte Suprema’y mabubuo na ng mga hukom na lahat at tinalaga ni Gloria sa ka nilang mga puwesto. Malamang na tutlungan ng mga ito kung anuman ang gustong mangyari nang nagtalaga sa kanila sa kanilang puwesto. Alam na rin natin kung ano ang kayang gawin ng Korte. Ang mga taong hindi nagbibitiw ay kanilang sinasabing nagbitiw. Ang itim ay maaari nilang gawing puti at ang puti ay ginagawang itim!
Ganoon na rin ang Comelec at halos na lahat ng mga ahensiyang dapat na independiyente sa Malakanyang at dapat rinm na ang sinusunod lamang ay ang Saligang Batas. Ang mga ito’y halos hindi natin maaasahan na pipigilan si Gloria sa kung anuman ang ninanais niyang mangyari.
Kaya, tanungin natin ang ating sarili: Magkakaroon nga kaya ng halalan sa 2010?
Ngayon pa lamang ay binubuhay na naman ng Malakanyang ang dalawang beses nang natalong Cha-Cha. Ang ginagawang rason ngayon ay ang nagaganap na usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at ng MILF. Kinakailangan raw ang pagbabgo ng konstitusyon upang maipatupad ang indpendiyenteng estado ng Muslim Mindanao na hinihingi ng mga Muslim. Ngunit, hindi naman kinailangan na baguhin ang Saligang Batas noong nagtayo si Marcos ng ARMM at pati na rin noong ginawa rin ito ni Cory Aquino. Hindi lamang iyon, sa ating Saligang Batas, mayroon na ring probisyon na kinikilala ang ARMM bilang idependiyenteng estado ng mga Muslim sa Pilipinas.
Ang hinala ay ang Cha-Cha ay hindi para sagot sa problema ng mga Muslim at para sa kapayapaan ng Mindanao kundi upang mabago ang ating sistema ng pamamahala sa parliamentaryo upang si Gloria Arroyo pa rin ang magdadala ng pamahalaan natin sa pagkatapos ng kaniyang termino bilang Pangulo sa Hunyo ng 2010.
Sana’y mali lahat ng ating mga iniisip at ang ma haka-hakang nadidinig natin!
# # # #
hvp (01.07.07)

Post a Comment