Deretsahan
ni Horacio Paredes
Mayroon tayong dalawang sulat galing sa ating mga kabayang naglilingkod bilang OFW sa ibang bansa:
“Nakakatuwa pong mabasa ang inyong sinulat tungkol po sa mga presidentiables. Hindi po ako mahilig sa pulitika at hindi ko rin po ugali ang mag endorso ng sinumang kandidato. Pero palagay ko napapanahon na dapat talaga tayong kumilatis ng isang taong dapat umigit ng ating pamahalaan sa 2010.
“Dapat lamang na hindi personalidad kung hindi ang kanyang kalidad, kapasidad at conviction sa kanyang trabaho. Dapat isa alang-alang muna natin ang katangian na kailangan natin sa susunod na uugit ng pamahalaan. Katulad ng mga pribadong kompanya kapag mayroon pangagailangan ng isang posisyon.
“Unang-unang isinasa alang-alang ang kwalipkasyon ng tao para sa isang posisyon hindi porke’t ito ay kilala at matagal na sa pwesto ay siya na dapat. Kaya sa pagpili natin ay talagang isa alang-alang natin ang vision ng individual na gusto na nating iluklok. Bagamat nakabanggit kayo ng isang pangalan ay maaring masabi kong isa siya sa pwedeng maging kandidato sa pwestong mababakante sa 2010 pero hindi ko lubos na sinasabi na siya na dapat ang pumalit; ang sa akin lang, isa siya sa mayroon katangian na ating nabanggit.
“Upang maging tuloy-tuloy na rin ang tagumpay ng bansa natin, upang kaming mga OFW ay makahulagpos na sa rehas ng kalungkutan dito sa ibang bansa, isa lang ang aming pangarap — maging kagaya ng bansang aming pinagtatrabahuhan ang ating bansa, upang kami ay magkaroon ng laya mamimili kung saan gusto naming maghanap buhay sa ating bansa o sa ibang bansa. Sa ngayon po kasi ay wala kaming choice kung hindi umalis ng bansa.
“Sa dami po kasi ng mga nakausap kong kagaya kong OFW willing talaga silang makabalik na magtrabaho sa bansa natin kahit hindi katulad ng kasalukuyang tinatanggap na sweldo pero at least makasapat ito sa pangangailangan ng pamilya. Sana nga po ang mga Pilipino ay magkaisa na tungo sa ikapagtatagumpay ng ating bansa, hindi ng isang individual o grupo o partido kung hindi ng buong bansa. Huwag na sanang matitigan ang kakulangan at kamalian ng bawat isa kung hindi ito ang gawing hamon upang magtagumpay. Mabuhay po kayo. Mabuhay po ang lahat ng Pilipino sa buong mundo.” — Juanito De La Cruz
Dapat lamang, Juanito, na ang mga Pinoy ay nagkakaroon ng trabaho sa kanila mismong bansa. Sa pagkakataong makamit na natin ang estadong ganito kung saan ang Pinoy na aalis sa bansa upang magtrabaho sa ibang bansa’y dahil lamang sa iayon ang gusto niya at hindi dahil sa wala siyang mapasikang trabaho sa Pinas, baka maaari bna nating sabihing pumapantay na tayo sa ibang mgas bansang maayos sa ating mundo.
* * *
“Sumulat po ulit ako sa inyo para sa napanood ko sa TV na aatras na daw po si Joey de Venecia sa kaso na kanyang isiniwalat noong nakaraang taon.
“Ito daw po ay sa kahilingan ng kanyang ama para matigil na ang usap-usapan na matatanggal sa posisyon ang kanyang ama kung itutuloy nito ang kanyang isiniwalat noong nakaraang taon. Ito po ay isang pansariling interes at dito po ay napapatunayan natin ang kulay ng totoong pulitika ng bansang Pilipinas.
“Masakit man po isipin na ito na ang katotohanan na nangyayari ngayon. Ang pagiging isang pulitiko ay paglilingkod sa tao hindi paglilingkod para sa sarili. Kung yan ang pananaw ng mga pulitiko, saan na kaya ang tungo ng Pilipinas? Sana po ay mabago nya ang kanyang isipan, ipaglaban po sana nya ang kanyang nalalaman kung ito man po ay may katotohanan sapagkat hindi po biro ang ginawang kontrata sa ZTE ng mga taong gumawa nito. Ipaglaban ang katotohanan para sa mga Pilipino na nagmamahal sa kanilang bayan.” – Ron Duag
Tama ka, Ron. Saan patungo ang Pinas kung ganito ang ating mga lider?
# # # #
hvp (02.06.08)

Post a Comment