Deretsahan
ni Horacio Paredes
Ayon kay Josephine Aghuilar, isang Sociologist, tayo raw ay mayroon nang tinatawag niyang “People Power Fatigue.” Ito nga ba ang rason kung baket parang ayaw nating sumunod sa ating mga pulitiko na nabg-uudyok na lumabas tayo sa lansangan at mag-martsa’t sumigaw upang pababain ang naka-upong Pangulo?
Iyon ba ang ating sitwasyon? Hindi kaya na natuto na tayo sa ating mga pagkakamali sa nga lumipas na panahon?
Noong People Power One, ating pinatalsik ang ating Pangulo’t Diktador na si Ferdinand Marcos. Ang isa sa malakas nating sinisigaw noon ay ang napakataas na at napakarami na nang utang ng bansa sa mundo. Kailan natin ito mababayaran? Meron rin tayong reklamo na napakarami ang mga pinapatay sa ating mga Pinoy kadalasan sa mismong kamay ng mga militar at pulis natin. Isa pang reklamo natin ay ang walang katapusangang graft and corruption.
Dahil sa mga ito kung kaya natin pinalayas si Marcos.
Maaari bang magtanong sa mga nagpasimula ng Edsa Uno? Noon bang tinanggal natin si Marcos, nawala ba ang malaking utang natin? Hindi ba’t lumaki pa nga ito? Natigil ba ang patayan? Hindi kaya lalong dumami ang mga pinapatay nila? Nabawasan ba ang suholan at nakawan? Hindi kaya dumami pa nga at lumaki ang mga ninanakaw?
Pagkaraan ng labing-isang taon ay pinalayas na naman sa pamamagitan na naman ng People Power ang nakaupong Presidente na si Joseph Estrada. Dapat itanong rin natin sa ating sarili kung bumuti ba ang ating kalagayan o kaya sumama pa sa pangalawang People Power? Mas mabuti ba ang pamamahala ni Gloria Arroyo kaysa sa pamamahala ni Joseph Estrada? O baka naman sumama pa nga ang takbo ng pamahalaan?
Sa aking pananaw, kung ayaw ng karamihan sa atin na sumali na naman sa isa na namang People Power ay hindi sa dahilang pagod na tayo sa People Power kundi natuto na tayo na hindi naman pala ang People Power ang tamang paraan upang mapabuti natin ang ating kalagayan.
Sa America sa ngayon, marami na ang inis na inis kay George W. Bush, ang kanilang Presidente. Dinala niya kasi ang Amerika sa Iraq at ngayon ay nagkahalataan na, na wala naman palang mabuting rason na kanilang nilusob ang bansang ito. Hindi lamang iyon; mukhang mahihirapan silang lisanan ang Iraq at Afghanistan dahil sa lalo pang sasama ang buhay ng mga tao sa mga bansang ito kapag kusa silang nilayasan ng Amerika.
Ngunit, nakaka-isip ba silang mag-People Power? Hindi. Hihinyatyin nilang tapusin ni George Bush ang kaniyang term at sa pag-alis niya sa White House ang Presidenteng papalit sa kanya ay isang Presidenteng halal ng Amerika.
Nalalaman nila doon na kung kanilang apurahin ang pagpalit ng Presidente’y mas malamang na lalo silang papalpak kaysa kung pabayaan nila siyang makatapos ng kaniyang term kahit na siya ay isang walang kwentang Presidente.
Tularan natin ang Amerika. Tayo nama’y natuto ng Democrasya dahil lamang sa tinuro ito sa atin ng Amerika. Ang magandang mga desisyon tungkol sa pamumuno ng bansa’y ang mga desisyong hindi inaapura at hindi minamadali. Natuto na tayo na ang Pwople Power ay hindi galing sa kabutihan kundi gawa-gawa ng mga deonyo sa ating lipunan!
# # # #
hvp (02.13.08)

Post a Comment