Skip to content

No More People Power

Deretsahan

 

 

ni Horacio Paredes

 

Dapat lamang na kalimutan na natin ang “People Power.” Kung kinailangan man natin ito noong Edsa Uno, 1996, dahil lamang sa mayroong nakaupo noon na diktador. Walang ibang paraan na mapapalayas natin si Marcos kundi lamang sa pamamagitsan ng lahat sa atin ay nagsama-sama upang siya’y makumbinsing lisanin ang kaniyang pwesto.

Ngunit, sa totoo lamang, hindi dapat na dinadaan natin sa init ng ulo ang pagpalit ng pamahalaan at ng pangulo. Noong Edsa Dos naman, talagang pinainit lamang ng iilang mga pulitiko ang ulo ng mga mamayan laban kay Pangulong Joseph Estrada. Hindi naman dapat na pinalayas ito dahil maganda naman ang takbo ng kaniyang pamamahala. Sa totoo nga, mas maganda nga sana sa  atin kung pinabayaang tinapos ni Erap ang kaniyang pamamahala. Baka nga wala na tayong problema sa mga Muslim at mga Komunista kung tinuloy-tuloy ang kampaniya ni Erap kontra sa mga lumalaban sa estado sa pamamagitan ng rebolusyon at subersiyon. Hindi lamang iyon. Sa totoo, mas maganda ang takbo ng ekonomiya natin sa pamamahala ni Erap kaysa noong panahon ni Ramos.

Noon namang nakuha na ng mga pulitikong nagpakana ng Edsa Dos, kumabig na ang mga ito. Ganito ang masama sa pagpalit ng namamahala sa pamamagitan ng “People Power” o madaliang pamamaraan. Kapag minamadali natin ang pagpasiya at ang pagpili, mas malamang na namamali tayo. Nagkamali na tayo minsan, huwag na nating ulitin na naman ang mali.

Kahit nga iyong Edsa Uno’y mayroon ring pagkakamali dahil sa ang namuno pagtapos ng Edsa Uno ay wala namang plano kung ano ang dapat na mangyari puwera lamang na ang pagpapalayas nang mga Marcos.

Labag kasi sa ideya ng Demokraya ang “People Power.” Ang mahalaga sa isang Demokrasiya ay ang proseso o ang tinatawag na “rule of law” o ang mga “democratic institutions” na dapat sanang ang mga ito ang ating ginagamit sa pagresolba ng ating mga problema. Hindi dapat na dinadaan natin ang lunas sa labas ng mga “democratic institutions.”

Kung noong Edsa Uno’y walang ibang paraan kundi ang dumaan tayo sa labas ng batas (“rule of law”), wala namang rason na hindi dinaan sa proseso ang pagpatalsik kay Erap. Kasakiman na lamang ng mga pumalit ang maaaring rason kung bakit dinaan na naman ito sa shortcut. Mayroon rin kasing masamang tangka!

* * *

Ang pinakamagaling na maaaring mangyari sa atin ay ang hintayin na lamang nating lahat ang halalan sa 2010. Sa halalang ito’y piliin nating mabuti ang gagawain nating Pangulo. Galingan natin ang pagpili at tanggapin nating lahat ang magiging resulta ng halalan.  Sa ganoong paraan, tiyak na magiging mas maayos at mas tama ang magiging pagpili natin sa taong papalit kay Gloria Arroyo.

Sa ganitong paraan nating mapapatunayan na mas magaling pa rin ang halalan kaysa sa pa-edsa-edsa na panay maling tao lamang ang ating naluloklok. Dumarami rin ang mga magnanakaw na nakakapasok sa pamahalaang minamadali ang pagbubuo.

Ang isa pa nating dapat na pagisipan ay ang katotohanang pinatalsik si Erap dahil lamang sa kasinunglingang ginawa ni Chavit. Nakaksiguro ba tayo sa mga kwento nina Joey, Neri at J. Lo na totoo ang lahat ng kanilang pinagsasabi?

* * *

Marami sa inyong mga nagbabasa ng Abante ang nagagalit kapag ganito ang aking mga sinusulat. Mayroon pa riyang nagsasabing bayaran na raw ako. Sa akin namang paniniwala’y darating rin ang araw na makikita rin ng mga ito ang kanilang pagkakamali. Hind dahil sa ayaw kong maulit ang pagkakamali natin sa dati nang nagyari’y kakampi na ako ng asawa ni Satanas. Sa totoo, maiisip rin ninyo na ang “People Power” ay hindi milagro ng Diyos; imbes, baka pa nga mapait na regsalo ito galing kay Satanas.

 

# # # #

hvp (02.25.08)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*