Deretsahan
ni Horacio Paredes
Mayroong kanta ang Mga Anak ng Tupa, isang rock grolup na ang pamagat ay “Walang Kwentang Babae” tungkol sa isang nakilalang naka-akit sa kanila na, ngunit yoon pala’y hindi naman tapat umibig. Sa aking programa sa radyo DZXQ (1350 khz AM 9-930 sa umaga lunes haggang biyernes), marami sa mga listener ay maya’t-maya’y hihilingin ang pagpatugtog ng kantang ito. Maganda ang pagka-gawa at, baka naman sa pananaw at pagdinig ng radio audience, ay tugmang-tugma sa kanilang tinuturing na Walang Kwentang Babae.
Sa aking palagay, ang isa niyang problema’y mula pa noong kaniyang pagkabata’y isa na siya sa madalas ituring na “spoiled.” Binigay sa kaniya ng mga magulang ang lahat ng kaniyang ginusto. Parang prinsesa siyang lumaki na pinagsisilbihan ng mga aliping mga atsay. Imbes na natuto siyang magmahal sa kapwa, kahit na saan man ito nanggaling at kung ano ang estado ng mga ito sa buhay, nabulag siya sa yaman at kasikatan ng kaniyang ama’t ina.
Sinundan pa ito ng kaniyang pagpasok sa isang napaka-esklusibong eskwelahan ng mga anak ng mga milyonariyo’t bilyonario’t iba pang mga elitista. Nang siya nga’y nag-asawa’y pinili niya ang anak ng isa sa mga pinakamayayamang pamilya sa ‘Pinas.
Kaya, ano naman ang maaari nating maasahan sa ganitong “spoiled” na babae? Lahat ng kaniyang gustong kunin – pwesto, kapangyarihan, kayamanan – ay kaniyang kinuha na at kukunin pa. Kung mayroon mang mga nasasakatan o namamatay dahil sa kaniyang gustong mangyari’y wala siyang paki.
Marami na ang mga ginawang kabalustagan ang WKB-ing ito kasama na ang pandaraya, pagnanakaw, pang-aagaw at iba pa. Madalas na walang nakaka-alam ng kaniyang mga ginagawa. Dahil sa siya rin ay isang makapangyarihang tao, na-itatago niya ang kaniyang mga kasmaan dahil sa, mula sa mga hukom hanggang sa mga pulis at militar, kaya niyang paki-usapan na talikuran ang nagawang walang kwentang bagay.
Kapag naman siya’y nabubulilyaso’y kasinungalingan ang kaniyang isasagot. Kaya lamang, nahahalata naman siya na hindi ang pawang katotohanan ang kaniyang binibigkas. Imbes, binobola tayo ng WKB. ‘Ika niya’y “I am sor-ry” ngunit sa kaniyang ginagawang paliwanag ay halata namang marami pa rin siyang tinatagong mga bagay na nagpapatunay tuloy na hindi niya pinagisisishan ang kaniyang ginawa. Kaya lamang siya nag-sorry’y dahil sa nahuli siya at ang kaniyang mga kasmahan sa pangungorakot; ngunit, hindi nya pinagisisihan ang ginawa’t tiyak na kung mabibigyan pa siya ng pagkakataon ay uulitin na naman niya ang tinangkang katiwalian!
Hindi lamang iyon, ang kaniyang “sorry” ay mayroon pa ring pahabol na banta kung hindi tayo huminahon.
Tama nga ang mga humihiling ng kantang ito. Talaga nga isa siyang WKB – Walang Kwentang Babae.
* * *
Babala: Wala akong binanggit na pangalan, pwesto, address o ano pa man na maaaring tumukoy kung sino itong WKB o kung mayroon nga bang isang tao na ating tinutukoy na Walang Kwentang Babae. Liwanagan rin natin na kung anuman o sino man ang nasa isipan ninyo’y inyo lamang pag-iisip iyon at iyan ay hindi nanggaling sa akin.
At, kung sino man ang iniisip ninyo na WKB, tama naman kayo!
# # # #
hvp (02.27.08)

Post a Comment