Skip to content

Ang Simbahang Panggulo

Deretsahan

ni Horacio Paredes

 

Sobra talagang nakikialam ang mga Obispo sa lahat ng bagay sa ating mga buhay kahit na hindi naman nila naaayos ang Simbahan at ang dapat nilang inaasikaso. Walang araw na hindi nagsasalita ang mga iyan tungkol sa mga bagay na hindi na dapat nilang pinag-iisipan.

Halimbawa, bakit naman pati sa problema natin sa bigas ay mayroon pang sasabihin ang simbahan o ang ilang Obispo. Ano naman ang kaugnayan niyan sa kanilang trabaho, pwera lamang kuag sana’y ipaliliwanag nila kung ano ang mga nakatanim sa libo-libong ektraya na kontrolado pa rin ng simbahang Katoliko na hindi nagbabayad ng amilyar at mukhang hindi rin kayang ipasailalim sa land reform ng kahit na ano pa mang pamahalaan.

Mayroon tayong dalawang problema sa bansa na nagiging problema dahil lamang sa Simbahan. Ano ang mga ito? Ang ating napakalaking populasyon at ang pagkawalang lunas sa mga mag-asawang hindi na nagmamahalan. Wala tayong batas na nagbibigay sa kanila ng diborsiyo.

Kung sana’y nagkaroon tayo ng pamahalaang hindi takot sa Simbahan, maaari sanang gumawa tayo ng paraan kung saan maaari nating ikontrola ang pagdagsa ng mga sanggol natin, Tama lamang naman na bawas-bawasan natin ang pag-gawa ng bata hanggang sa atin lamang makakayang pakainin at ipag-aral. Lohika lamang iyan. Papaano mo pakakainin ang mga anak mo kung napakarami nila at wala ka namang sapat na kita upang buhayin sila?

Madalas na ang mga sanggol ay pinahihiram na nga sa mga kamag-anak para lamang hindi sila magutom. Ngunit, kung sino man ang mag-alok ng mga sistema upang mabawasan ang panganganak ay hindi mananalo sa halalan dahil kakalabanin ng Simbahan.

Sa diborsiyo naman: Alam ba ninyo na ang ating sistema ngayon kung saan ang pag-asa lamang nga isang babae ay ang mabigyan siya ng annulment ay pahirap sa babae? Bakit? Sa annulment, sinasabing parang hindi kayo kinasal. Entonses, walang dapat na maging bahagi si Misdis sa kwarta ni Mister dahil ni isang segundo’y (ayon sa batas) hindi sila nagsama bilang Mister at Misis. Kung sila sana’y nag-diborsiyo, maaaring mabigyan ang babae ng alimony o kwarta upang ikabuhay niya sa kaniyang pagkabiyuda sa asawa niyang buhay pa’t iba na ang kasama. Dahil sa hindi pumapayag sa diborsiyo ang Simbahan natin rito, (kahit na sa Roma at sa Espanya kung saan nagsimula ang ating Simbahan rito ay mayroong diborsiyo!) nagiging pahirap ang Simbahang ito sa ating mga buhay.

Ngayon, kanila pang pinakikialaman ang Pagcor, Sweepstakes, Bingo at Lotto. Ano ba naman sila? Pati ba naman ang kaunting inaasahan nating swerte’y kukunin pa nila sa atin?

Kung minsan nga’y ang panalo na lamang sa subal ang ating pag-asa, gusto pa nolang kunin kahit na wala naman silang nagagawa sa ating mga problema’t pangangailangan. Madlas pa ngang pampabigat sila sa ating mga problema o kaya’y nagkakaproblema tayo dahil na rin sa Simbahang iyan! 

# # # #

hvp (04.07.08)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*