Deretsahan
ni Horacio Paredes
Sa aking palagay, ang dapat mangyari sa Pinas ay ang kalimutan na natin ang pulitika. Ito kasi ang nagpapalubog sa bansang ito kung kaya parang lalo lamang tayong nalulubog sa problema.
Ang dapat nating maging lider ay ang taong hindi ang sarili ang iniiisip kundi ang kabutihan ng bayan. Ang malungkot dito ay halos lahat ng mga nagpiprisinta sa pagka-Presidente as 2010 ay pawang pulitika lamang ang nasasa-isip. Wala naman silang pananaw para sa Pinas at kung papaano aayusin ang bansa natin para magkaroon tayo ng pag-asang umunlad.
Napakarami ang kailangang ituwid sa bansa natin. Ang gobiyerno’y dapat na naglilingkod sa bayan at sa mamamayan at hindi ang kabaliktaran na nangyayari ngayon. Ang dapat na inaatupag ng pamahalaan ay kung papaanong magkakaroon ng trabaho sa loob ng Pinas ang lahat nang Pinoy na naghahanap ng trabaho. Dapat na itigil na natin ang pag-iisip na mas magandang makapagtrabaho sa labas ng bansa. Ang dapat na ayusin natin at ating paunlarin ay ang sarili nating bansa at hindi ang ibang bansa!
Dapat rin na pigilan na rin natin ang paglaki ng ating populasyon. Hindi lamang sa dapat na kaya nating pakainin ang lahat na Pilipino, dapat rin na ang populasyon natin ay hindi mas malaki kaysa sa kakayaning suportahan ng ating ekonomiya.
Dapat rin na ang ating mga kabataan ay matutong mahalin ang sarili nilang bansa. Hindi ito maaaring mangyari habang ang lahat na nakikita nila ay ang mga billboard na nagpapasalamat kay kongresman, senador o presidente sa ginawang bagong kalsada o para sa rebulto ng isang pulitiko o sa bagong gusali. Hindi naman galing sa kanila ito; bakit tayo pumapayag na angkinin nila ang galing naman sa bansa at hindi sa kanila?
Papaano kaya maisasa-ayos ang lahat na ito?
Kung mayroon sana tayong isang kagaya ni Magsaysay na naging pangulo natin noong kailangang-kailangan natin ng isang tao na magtutuwid ang bansa, baka magkaroon tayo ng pag-asa. Sa aking natatanaw sa ngayon, parang wala akong nakikitang may kakayahang magtuwid sa bansang ito na may pagasang manalo sa pagka-pangulo.
Mayroong mga may kaya ngunit kulang naman sa kwarta at popularidad. At dahil sa matuwid at istrikto sila, marahil na hindi sila tatanggapin nang karamihan sa ating mga botante na kwarta pa rin at pansarili ang nasasa-isip..
* * *
May sulat galing sa isang ayaw pang magpakilala: “Nabasa po namin ang column ninyo na ang pamagat ay ‘Matagal Nang Alam Nila (Kuno).’
“Sangayon parin kami sa mga nakasulat sa column ninyo, kong hindi lang sana padalos-dalos ang ating gobyerno mula pa sa unang mga panahon na ini-intruduced ang birth control nay an, sana hindi dumami ang population natin ngayon, saganon hindi sana tayo kinukulang sa supply ng bigas.
“Kaya ito ay ‘lesson learned’ na ngayon ng ating gobyerno, na dapat hindi na sana pinakinggan ang mga interbensyon ng Simbahan at ituloy ang planong pag control ng population sa pamamagitan ng mga programa na nakabubuti sa lahat.
“Maraming tao ang Pilipinas kulang naman sa resources, hindi mabigyan ng trabaho ng gobyerno, ang iba naman diyan mga pasaway din, tamad, so walang mangyari.
“Kaya para sa amin kong maari ‘intense reform’ ang kailangan sa Pilipinas kung kinakailangan na gamitan ng radical action para sa kabutihan ng lahat at sa bansa sa pangkalahatan, susuporta kaming lahat na OFW’s sa buong mundo.
“Iyon lang po. Maraming salamat.” – OFWs, Middle East
Salamat rin at sana’y dumami ang nag-iisip nang kagaya ninyo.
# # # #
hvp (05.12.08)

Post a Comment