Skip to content

Problema sa Basura ng MMDA

Deretsahan

ni Horacio Paredes

 

Nakahanap ng butas si Jejomar Binay ng Makati at agad pina-iwan ang 40 na trak ng basura sa harap ng tanggapan ng  Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa  Edsa kanto ng Orense, Lungsod ng Makati. Kaya ‘anya ginawa ito ni Binay ay dahil sa “Wala na kaming matapunan ng basura. Saan naman kami magtatapon? Yan ang aming napagkasunduan.”

Sinabi raw kasi ng MMDA sa kanila na dalhin ang basura sa Tanza, Navotas ngunit hindi naman sila tinaggap ng LGU dahil puno na sila ng ibang mga LGU na doon nang-tatapon ng kanilang basura. Kaya ayan!

Kaya naman nasirhan ang pinagtatapunan sa Montalban, lalawigan ng Rizal ay dahil  sa pinatigil ang pag-gamit nito ni Gubernador  Casimiro Ynares III. Ayon kay Ynares, natapos na ang 45 araw na palugit na hiningi ng MMDA at papagusapan muna ng kaniyang provincial board upang makakita sila ng “final solution” sa hiling ni MMDA chairman Bayani Fernando na bigyan ang MMDA ng anim na buwan pang extension na sinumite ni Bayani sa upisina ni Ynares noon pang Nobiyembre 5, 2007.

Si Mayor Ben Hur Abalos, bilang presidente ng League of Cities ay nakikiusap kay Ynares na bigyan ang MMDA ng dagdag na 45 araw na palugit. Ipupulong rin raw ni Abalos ang mga city mayor upang makahanap ng lunas sa problema nila sa basura.

Ayon kay Binay naman: “Ayaw kasi pumayag ni Chairman Fernando sa kahilingan ng Rizal provincial government na ideposito ang bayad sa paggamit ng pasilidad sa bangko kaya napilitan ang pamahalaang local na isara ang landfill. Nagtataka nga ako bakit ganyan ang MMDA wala na nga silang maipagkaloob na serbisyo sa amin dito sa Makati maliban sa trapik at basura di pa nila magampanan ng maayos.”

Ang problema naman ng MMDA ay ganito: Ang lalawigan ng Rizal at ang Munisipyo ng Rodriguez, kung nasaan naroroon ang landfill na ginagamit ng MMDA ay parehong nagpipilit na sila ang dapat bayaran. Kumpleto naman ang kwarta sa MMDA. Kaya lamang, hindi naman malaman kung kanino ito ibibigay at, hindi lamang iyon, mayroon ring kaso tungkol rito na nasa Regional Trial Court ng Makati. Maari bang gumalaw ang MMDA nang hindi iniuutos ng hukom na dumidinig sa kaso?

Kaya lamang, nagkaroon nga ng pagkakataon si Binay na pasamain si Bayani Fernando na, kahit ano pa ang sabihin ng iba’y, si BF ang kaisa-isang naging Chairman ng MMDA na mayroong nagawa para sa Metro Manila. Marami na rin ang mga naging Chairman ng MMDA – Mayor Mel Mathay ng QC,  Joey Lina, Mayor Toting Bunye ng Muntinglupa, Mayor Jojo Binay ng Makati at Mayor Ben Abalos ng Mandaluyong – ngunit, sa totoo, si BF lamang ang tunay na nakapagpabago ng anyo ng Metro Manila at ng pag-iisip ng mamamayan ng Metro Manila.

Kaya lamang, BF, pagsubok ito sa kakayanan mo. Dapat makahanap ka ng solusyon.

# # # #

hvp (06.25.08)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*