Deretsahan
ni Horacio Paredes
Tama lamang at napakaganda ng programa ng Makati at ni Mayor Jejomar Binay tungkol sa kanilang tinatawag na e-jeep sa Makati.
Sa ngayon, apat pa lamang na e-jeep ang umiikot sa subdivision pa lamang nga Makati. Ito ay mga de-baterya na jeepney – mas magaan ang body kaysa sa karaniwang jeepney at walang usok dahil sa ito’y pinatatakbo ng baterya na dapat kinakargaan sa gabi kaya ang biyahe nito’y mula lamang alas-siyete ng umaga hanggang 7:30 ng gabi.
Aabot raw sa 50 ang lahat na tatakbong mga e-jeep sa Makati. Ang isang maganda sa programang ito ng pamahalaan ng Makati’y ang dalawang bagong e-jeep ay gawa na rito. Ang dalawang nauna ay galing pa sa Guangzhou sa Tsina at bigay ng mga NGO (Solar Electric Corporation Incorporated at ng Green Renewable Independent Power Producers Incorporated sa halagang P371,280 bawat isa). Ang dalawang sumunod ay pinagawa na sa Motor Vehicle Parts Manufacturers Association of the Philippines.
Ang apat na e-jeep ay bale serbisyo para sa mga nagtatrabaho at nakatira sa mga subdivision ng Legazpi at Salcedo village.
Sa Salcedo Village, ang ruta ay simula sa De La Costa kakanan sa Makati avenue, kanan sa Paseo de Roxas, kanan na naman sa Villar, kaliwa sa Leviste, kaliwa na naman sa Rufino at kanan sa Ayala avenue at balik na sa De La Costa.
Sa Legazpi Village, ang ruta’y simula sa Salcedo, kanan sa Rufino, kaliwa sa Adelantado, kaliwa sa Gamboa at Salcedo, kaliwa sa Benavidez, kaliwa sa Paseo de Roxas, kanan sa Legazpi, kaliwa sa De La Costa at Salcedo.
Ayon kay Mayor Binay. Darating rin raw ang mga e-jeep sa ibang lugar ng Makati kapag dumami na ang mga ito. Sa akin namang nakikita, ito’y maaaring gamiting sa lahat ng lugar sa Metro Manila bilang kapalit ng mga tricycle at ng mga pangmalapitang mga ruta ng de-gasolinang jeepney.
Sa halagang halos P400,000 bawat isa at P50.00 ang bawat karga ng koryente para sa isang araw na biyahe na maaaring umabot sa 100 na kilometro sa bilis na 40 kilometers per hour, mababayaran ito galing lamang sa matitipid ng tricycle driver sa gasoline sa loob lamang ng limang taon. Kung tataas pa ang presyo ng gasolina, baka mas mabilis pa itong mababayaran.
Magiging mas malinis at tahimik pa ang ating mga subdivision sa Metro Manila. Kailangan lamang siguro na kumbinsihin ang mga bangko na sumuporta sa ganitong programa.
* * *
Hinatulan na rin ng pagkakulong ang nagpakilala sa atin na isang businesswoman na taga-US –si Blanquita Pelaez — na kumalaban kay Ping Lacson noong ito’y Chief PNP pa ito sa kaso ng mga handcuff na binili ng PNP na gusto niyang ilibre ang sinisingil ng Customs dahil sa para raw ito sa gobiyerno. Pinain rin niya ang kaniyang anak na beauty queen sa Pangulo ng Pilipinas na si Erap.
Binigyan ng Court of Appeals si Blanqiuta ng anim na buwan hanggang apat na taon sa hatol sa kaniya na frustrated estafa at halagang P540,000 na isasauli niya sa kaniyang naging biktima na si Erlinda Salceda. Ang kaso’y nagsimula sa ating mga korte noon pang 1997.
Hindi pa rin ito tapos. Tiyak na iaapela pa rin ito sa Korte Suprema at tatakbo na naman ito ng ilang taon pa.
# # # #
hvp (07.02.08)

Post a Comment