Deretsahan
ni Horacio Paredes
Sa pagtalaga ng isang Tuta ni Gloria na si Romulo Neri, bilang Chairman ng Social Security System at tagapamahala ng “National Social Welfare Program,” huwag sanang isipin ng Malakanyang at ni Gloria Arroyo na papayag na lamang ang lahat – pati na ang mga kawani ng SSS at ng Government Service Insurance System (GSIS) at ang mga OFW na nagpalaki ng mga pondong hawak ng POEA at iba pang mga ahensiyang malalaking kwartang hawak ng Pag-Ibig na maaari nilang iwaldas ang kwartang ito na nanggaling sa hirap at pawis ng mga manggagawang Pilipino dito at sa mga ibang bansa.
Nadinig ko na sa radyo na sinasabi ni Sergio Apostol ang Legal Counsel ni Gloria Arroyo na alinsunod sa ating mga batas, maaaring kumuha ng pondo ang Malacanang sa mga pondong ito na pag-aari ng mga manggagawa upang ipamudmod sa mga mahihirap na nangangailangan ng tulong.
Hindi maaaring tama ang sinabi ni Apostol. Bakit naman bibigyan ng karapatan ang isang kahit na sino na maaari nilang kunin ang pondo na kontribusyon ng mga manggagawa para na rin sa kanilang retirement at iba pang pangangailangan.
Hindi tama na pakialaman ng kahit na Presidente ng Pilipinas ang mga trust fund na ito dahil nakatabi ang mga kwartang ito para sa pangangailangan ng mismong mga manggagawa.
Bakit naman sila maglalaan ng kwarta kada buwan sa SSS o GSIS o sa POEA o Pag-Ibig Fund, kung maaari naman palang kunin ang lahat ng isang Presidente upang gamitin sa kung saan niya gustong gamitin?
* * *
Mayroong isang empleyado sa City Hall ng isang lunsod na malapit sa Metro Manila na mayroong tinanong sa akin. Hindi ko masagot. Ayon sa taong hindi na muna nating pangangalanan, siya raw ay isang driver ng City Hall. Pitong taon na raw siya sa kaniyang pwesto at anim na taon na siyang miyembro ng GSIS. Noong nahalal raw ang kasalukuyang alkalde, nagbago ang patakaran.
Simula noong umupo ito’y ang mga fiver at messenger at iba pang mga empleyado ay tinaggal bilang government employee. Sila naman ay tinaggap ng isang ahensiya na binigyan ng kontrata ng city hall upang kumuha ng mga driver, messenger at iba pa bilang empleyado ng ahensiya na kanilang nilalagay sa city hall. Sa magdaling salita, hindi na sila government employee kundi contractual employee ng isang pribadong ahensiya.
Nawala na ang anim na taon niyang kontribusyon sa GSIS at sinimulan naman siya bilang miyembro ng SSS. Nanghihinayang siya sa anim na taong kontribusyon niya sa GSIS at ang kaniyang mga benepisyong nawala noong siya’y kusang tinanggal sa payroll ng gobiyerno’t sapilitang pinasok sa isang ahensiya na may kontrata sa city hall.
Sa totoo lamang, hindi ko alam na maaari palang gawin ang ganito. Akala ko ang SM lamang ang kumukuha ng mga contractual upang makatipid sa mga benepisyo, retirement at iba pang dapat nilang binibigay sa kanilang mga empleyado’ Yoon pala’y pati pala ang gobiyerno’y pinagsasamantalahan rin ang mga empleyado nila.
# # # #
hvp (07.14.08)

Post a Comment