Skip to content

Tungkol sa Laguna de Bay

Deretsahan

ni Horacio Parede

Mayroong sulat ang isang dating nangingisda sa Laguna de Bay sa isa nating kolum: “Ako po ay tagasubaybay ng mga editorial na sinusulat ninyo. Nakatawag po ng pansin sa kin ang kolum nyo na may pamagat na ‘Ang Laguna de Bay’.

“Ako po at ang mga kapatid ko ay dati pong mangingisda sa lawa ng Laguna–dito po kami kumuha ng ikabubuhay namin (taong 1970’s hanggang mid 80’s). Labing-isa po kaming magkakapatid at ang hanap-buhay po ng Tatay ay isang welder sa isang paaralang pang-gobyerno. Napakaliit po ng sweldo ng Tatay kung ikukumpara sa bilang namin sa aming pamilya, subalit sa tulong ng Lawa ng Laguna ay nabuhay kami at nakatapos ng pag-aaral.

“Ang mga kapatid ko po ay nangingisda sa gabi at nag-aaral sa araw; ang nahuhuli naming magkakapatid ay ibinebenta naman ng Nanay sa palengke at ang natitirang di naipagbili ay siya po naming inuulam. Noon pong mga panahong iyon (1970 at 1980’s) ay medyo malusog pa po ang lawa at magsipag ka lang ay di ka magugutom.

“Noon po ay di na namin kailangang magpunta sa mga swimming resort para malibang at mag-swimming, sapat na po na mamangka kaming magkakaibigan, tumalon sa lawa at lumangoy. Ngayon po ay wala pong maglalakas-loob na basta na lang lumangoy at maligo dito.

“Sa akin pong obserbasyon at palagay, isa sa mga naging dahilan upang unti-unting mamatay ang Laguna de Bay ay ang di pagpasok ng tubig-alat tuwing tag-araw. Noong mga taon na binanggit ko, tuwing tag-araw po ay bumababa ang level ng tubig sa Lawa ng Laguna kumpara sa level ng tubig sa Manila Bay. Ito ang nagiging dahilan upang dumaloy at pumasok ang tubig-alat mula sa Manila Bay papuntang Laguna de Bay sa pamamagitan ng ilog-Pasig. Kapag nakapasok na po ang tubig-alat, ito po ang nagsisilbing “disinfectant” at pataba sa lawa. Disinfectant sapagkat na-neutralize ng salt ang ibang mga impurities na dulot ng polusyon. Pataba naman sapagkat pinapatay ng saltwater ang ilang porsiyento ng water lily na nagiging organic food ng mga isda.

“Kaya po noon, kapag buwan na ng Marso/Abril/Mayo ay inaasahan na po namin ang pagpasok ng tubig alat at kasabay nito ang masaganang hula ng isda. At kapag pumasok na ang ulna sa buwan ng Huynh ay naglalabasan na ang matatabang ayungin, biya, dalag, at hito.

“Nakakalungkot po ngayon panahong ito sapagkat hindi na po pumapasok ang tubig-alat sa lawa. Hindi ko po alam kung sino ang nagpasyang pigilin ang pagpasok ng tubig-alat sa pamamagitan ng Napindan gateway. Ang disenyo po ng kalikasan ay kailangang pumasok ang tubig alat sa Laguna Bay mula Manila Bay upang mapangalagaan ang eco-system nito (ang cycle pong ito ay mula pa noong unang panahon).

“Tuwing nagbabakasyon po ako sa Pilipinas, ako po ay nagtutungo sa baybayin ng lawa upang bumili ng sariwang isda (sapagkat hinahanap-hanap po ng aking panlasa ang sinigang na ayungin sa bayabas at ang ginataang biya). Madalas po akong umuwing bigo sapagkat wala pong mahuli ang mga mangingisda, kung meron man ay sobrang liliit.

Isa din po sa nakasira sa buhay sa lawa ay ang pag-introduce ng bagong species ng isda at kuhol. Ngayon po ay marami nang ‘janitor fish’ sa lawa, maging ang native na kuhol ay napalitan na ng ‘giant kuhol’. Bangka-bangka po kung hulihin ng mga mangingisda ang ‘janitor fish.’

“Napakaliit po ang perwisyong dulot ng mga baklad at fishpen kung ikukumpara sa pinsalang dulot ng mga dahilang nabanggit ko po sa itaas. Di ko na po babanggitin ang polusyon sapagkat alam na po ng lahat na ito ang numero unong dahilan ng pagkamatay ng lawa. Siguro, kung kasalukuyang sinusulat ni Rizal ang kanyang nobela, mahihirapan siyang isalarawan ang Lawa ng Laguna sa ngayon. — E. Luzon, Jr.

# # # #

hvp (07.21.08)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*