Skip to content

Batang Kalye naging Batang Pulis

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Ayon kay Supt. Aspirino Cabula ng Quezon City Police Station 10 na dumarami ang bilang ng mga batang kalye na naglilimos sa Timog, Tomas Morato at Quezon Avenue. Pinag-isipan ito ni Supt. Cabula at kanyang dinala ang kaniyang konsepto sa mga nakakataas sa kanya.

Ang balak ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) na, sa halip na mamalimos o manghingi ng pagkain and mga batang ito’y, gawin silang “kiddie cops.” Ang mga batang kalsada ay gagawaing tagasumbong ng mga kahina-hinala o suspetyosong tao para mabawasan ang krimen sa lungsod.

Nakatakdang umpisahan ang programa ngayong darating na Sabado kung saan 20-25 batang kalye na may edad 10-15-anyos ang dadalhin nila sa Camp Karingal upang turuan ang mga ito na tumukoy ng mga kahina-hinalang suspek at kung paano ang sistema ng pagsusuplong nila sa awtoridad.

Ide-deploy ang mga “kiddie cops” sa mga lugar na sakop ng Station 10 at aaktong normal lang ang sitwasyon habang nagmamanman at palihim na magbibigay ng impormasyon sa mga pulis ukol sa kahina-hinalang indibidwal upang maiwasan ang holdup, robbery, at snatching.

Sa isyu ng seguridad ng mga bata laban sa mga sindikato ng krimen, sinabi ni Cabula na naka­katiyak siya na hindi mangyayari iyon dahil sa palagi umanong may naka-deploy na mobile patrol sa mga lugar na pagtatalagahan nila ng mga “kiddie cops”.

Sa mga tumututol sa kaniyang ideya, ito ang sagot ni Cabula: “Anong gusto nila, forever na lang maging eye sore at manghingi ng pagkain ang mga bata.  Ang mas maganda, I am hit ting two birds in one stone kung saan tatanggalin natin ang eyesore, pagagandahin ang mga lugar  at magagamit ang mga bata sa peace and order campaign. I’m just being practical.”

Ang maganda rin dito ay ang malalayo ang mga batang ito sa buhay kriminal at, malay natin na baka maging pulis pa ang ilan sa kanila.

* * *

Anong klaseng Bangsa Moro Homeland ang napagkasuduan ng GRP at MILF? Bakit watak-watak at hindi sama-sama ang mga lugar? Kung ganyan na rin, baka dapat isama na rin nila an Quiapo, Taguig at Greenhills sa San Juan dahil marami rin ang mga Muslim sa mga lugar na ito.

Ang Nakakalungkot ay hindi lamang naman tayo ang mayroong mga ibang tribo at mga taong naiiba ang kultura at relihiyon. Kaya lamang, sa ibang mga bansa, gumagawa sila ng paraan upang magkaintindihan ang mga mamamayang iba-iba ang paniniwala at kostumbre. Sa ginagawang ito ng pamahalaan, para na ring tinatanggap nila na hindi nila kayang ayusin ang bansang ito at hindi sila dapat ang mga nakaupo sa puwesto nila.

Kung mas maayos ang ating Pangulo, hindi papayag na magkahati-hati ang ating bansa. Kung ganito na ang mangyayari, baka dapat mag-kanya-kanya na tayo ng mga homeland at sunugin na natin ang Malakanyang, ang senado, ang kongreso ang korte suprema. Bumalik na lamang tayo sa kanya-kanyang tribo gaya noong wala pa rito ang mga dayuhang nagtakda ng bansang Pilipinas.

 

# # # #

hvp (08.06.08)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*