Deretsahan
ni Horacio Paredes
Maliwanag na kaya pinaguusapan ang federalismo at ang pagbabago ng saligang batas upang makapasok and Bangsa Moro Homeland ay upang hindi mawawala si Gloria Arroyo sa Malakanyang. Pinaliwanag ni Jesus Dureza ang press secretary na upang matuloy ang federalismo’y kinakailangan na baguhin ang saligang batas; at, upang magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao, dapat na matuloy ang Bangs Moro homeland kung saan ang MILF at mga katulad nito ang mamumuno sa kanilang sariling teritoryo.
Ngunit, papaano tayo magkaroroon ng kapayapaan kung ang mga bandidong MILF ay papasukan ang teritoryo ng iba, manggugulo roon, papatay o kaya’y mayroong nanakawan. Tapos, tatakbo sila sa loob ng Bangsa Moro Homeland kung saan hindi naman maaaring pumasok ang ating mga pulis at militar nang walang permiso ng MILF. Papaano tayo magkaroroon ng kapayapaan sa ganitong mga pangyayari.
Ngayon lamang, 160,000 na ang mga refugees sa Cotabato dahil sa mga nangugulong mga MILF. Sinasabi ng mga opisyal ng MILF na ang mga ito naman ay hindi nanggugulo. Sila’y naroroon lamang ba naka-posisypon ngunit kapag sila’y lulusubin ng ating militar, ay siyempre namang ipagtatanggol nila ang sarili.
Alam naman ito ni Gloria at ni Dureza ngunit kailangan nilang baguhin ang saligang batas upang maaaring manatili pa si Gloria sa kaniyang puwesto sa ilalim ng babaguhing Saligang Batas.
Para naman sa akin, puwede naman na baguhin rin natin ang Saligang Batas basta lamang isama sa mga babaguhin ang isang artikulong nagsasabing ang kasalukuyang pangulo’y hindi maaaring tumanggap ng kahit na anumang puwesto sa ilalim ng bagong gobiyerno. Dahil na siyang nakatapos na siya na kaniyang termino bilang Pangulo hindi na siya maaari pang magsilbi pa bilang Pangulo o kahit na ano pang ibang puwesto.
Kung mayroong ganoon, ituloy natin ang pagbabago ng Saligang Batas. Kung hindi naman maaari iyon, hintayin na lamang natin na maubos na ang termino ni Gloria para sa 2010 ay wala na siya at iba na naman ang maglilingkod bilang Presidente.
Dapat rin na sa mga tatakbo ng pagka-Pangulo sa 2010 ay isama na nila sa kanilang mga plano sa pagbabago ng Saligang Batas kung mayroon man silang planong ganito. Mabuti na kasi ang kwentas-klaras.
* * *
Ayon kay Dr. Armand Armas, isa sa mga guro ni Gloria Arroyo sa UP School of Economics, sa kaniyang librong “Federalism: The Next Disaster?” mas magastos ang sistemang Federalismo at baka pa nga matungo sa pagkahiwahiwalay ng Pilipinas sa maraming iba’t ibang bansa. Hindi bagay satin ang Federalismo.
# # # #
hvp (08.13.08)

Post a Comment