Deretsahan
ni Horacio Paredes
Kada Olympics, nangangako ang ating mgs sports lider na magkakaroon tayong medalyang maiuuwi; kada Olympics, nabibgo ang kanilang mga pangako. Habang ang ibang mga bansa – kahit na ang mga hindi man lamang natin naririnig – gaya ng Togo, Mauritius. Moldova at iba pa – ay mayroong naiuuwing medalya. Ngunit, bakit tayo ay wala ni isa man lamang na bronze o kahit na man lang sanang nasa top ten tayo ng kahit na anumang laro.
Ano ang meron ang ibang bansa na wala sa atin. Bakit ang Jamiaca’y napakabibilis ng mga sprinter? Bakit ang mga kalapit bansa natin – Vietnam, Thailand, Indonesia – ay mayroong medalya’t tayo ay wala? Malamang na ang kakulangan ay nasa sports lider at hindi sa rasang Pinoy.
Ang pagkakaiba ng ating sports program sa Pinas at sa mga ibang bansa’y ang kanilang mga National Sports Association (NSA) ay hinahawakan ng mga pribadong tao. Sa atin, mga pulitiko ang nakikialam sa ating sports. Ang palakasan na tawag sa sports sa ating wika ay nagiging palakasan gaya ng palakasan sa pulitika. Kung sino ang malalapit sa namumuno’y sila ang mas napapagbigyan. Sa larangan ng pulitika, ang mahalaga ay ang humawak sa posisyon, hindi ang gumawa ng trabaho o kaya’y magtagumpay sa kung anuman ang layunin. Kaya – ayan – nakapuwesto nga sila, wala namang nangyayari sa ating bansa – lalo na sa sports!
Halos lahat ng ating mga atleta ay iyon lang ng iyon. Baket parang walang ibang mga atleta ang lumilitaw? Dahil kaya sa wala naman talagang nahahanap ng mga bagong atleta o baka naman wala naman talagang naghahanap dahil meron na kasing atleta sina kongresman.
Malamang ganoon na nga. Dahil sa mayroong allowance na tinatanggap ang mga atleta, ang mga ito mismo ang humahadlang sa paglitaw ng mga mas magagaling or mas maglalakas o mas mabilis na mga atleta.
Kahit kasi wala namang pag-asang manalo’y sinasabak pa rin sa laro.
Ang dapat sana’y kung hindi rin lamang malalampasan ang mga Philippine record na kung ating ikukumpara sa Olympic at world record ay mapakalaki ang agwat, hindi na sila dapat na dinadala sa mga laro sa labas ng bansa.
Ang mga mananalo sa labanan ng palakasan sa mundo ay ang mga nakakakamit ng sobra sa Philippine record at lumalapit na sa mga record sa Olympics. Kung hindi rin ganito ang ating mga pinadadala’y dapat huwag na lamang tayong magpadala sa susunod na Olympics.
Sa mga pangako naman ng ating mga sports lider na napapako, huwag na lamang tayong magtaka dahil mga pulitiko sila at alam na rin nating lahat na hindi dapat gaanong dapat pinaniniwalaan ang mga pangako ng mga pulitiko.
# # # #
hvp (08.25.08)

Post a Comment