Deretsahan
ni Horacio Paredes
Noong nagsimula ang kampanya para sa paghalal ng susunod na Pangulo ng Amerika, ang tanong ng mundo’y kung sapat na ba ang pagbabago ng Amerika na maaari na nilang ihalal ang isang kandidatong hindi puti. Ang isa kasing kandidato sa halos isang dosenang nagprisinta sa kanilang primary elections, kung saan pumipili ang bawat partido ng kanilang magiging kandidato, ay isang senador na anak ng puting Americana at Tatay na galing sa Kenya sa Africa – itim.
Kaya ang pinagtatakhan noon ay kung halimbawa’t si Senador Barrack Obama ang mapili ng Democratic Party, may pag-asa ba siyang manalo bilang Pangulo ng Amerika?
Ngayong 16 na araw na lamang bago bumoto ang Amerika, nagunguna si Obama sa mga botante ng Amerika – 56 na porsiyento ang nagkakagusto sa kanya at 39 porsiyento ang nagkakagusto sa kaniyang katunggali na si John McCain, isang dating sundalo na nakulong ng mga Viet Cong noong giyera ng Amerika sa Vietnam.
Hindi lamang iyon. Iba ang halalan sa Amerika at dito. Sa atin, ang bawat boto’y mahalaga. Sa kanila, ang binibilang na boto ay ang boto ng buong State. Halimbawa, kung sino ang mananalo sa isang State (halimbawa, California) ito ang kukuha ng lahat na electoral votes ng California, 55 na electoral votes; sumusunod ang Texas na mayroong 34. Ang buong Amerika’y mayroong 538 na electoral votes at California ang State na pinakamarami ang electoral votes. Ang kukuha ng sobra sa kalahati ng 537 ay panalo na at siya ang magiging Pangulo ng Amerika.
Noong huling nanalo si George W. Bush kay John Kerry, ang boto ni Bush ay 286 at ang kay Kerry ay 251.
Pagkatapos napanalo ni Obama ang Democratic Primary, ang kaniyang kampaniya’y gumamit ng mga hindi pa nagagamit na mga paraan sa kumpaniya. Halimbawa, noong kaniyang napili ang kaniyang Bise Presidente, tinext niya ang lahat ng kaniyang sobra sa milyon na mga supporter sa bung Amerika. Ginamit rin niya ang Internet upang magpakilala sa mga mas mga batang botante.
Halimbawa, sa mga Hudeong Americano, ang ginawa ng kumpaniya ni Obama ay ang kinausap ang mga batang Hudeo upang kumbinsihin ang kanilang mga magulang at mga lolo’t lola na iboto si Obama. Karamihan kasi ng mga American Jew ay wala man lamang nakilalang Black American sa buong buhay nila. Hindi naman sa ayaw nila sa mga Black kundi wala lamang silang nalalaman tungkol sa mga ito.
Napag-isipan at napag-planohan ni Obama kung papaano siya mananalo at halos natitiyak na nga na siya nga ang mananalo Pagdating Nobiyembre 4.
Ang isa pa ring nakakagulat sa kanila ay sa kinabukasan ng Nob. 4 – Nob. 5 – malalaman na ng Amerika kung sino ang nagwagi sa kanilang halalan. Hindi kagaya rito na inaabot ng buwan bago maproklama ang nanalo sa ating halalan.
Ano man ang mangyari, napakita ng America na pantay-pantay silang lahat – na khait na kung anumang kulay ang iyong balat ay pantay lamang ang pananaw ng mga botante sa bawat kandidato.
# # # #
hvp (10.20.08)

Post a Comment