Deretsahan ni Horacio Paredes Binibigyan ko ng pagkakataon ang isang OFW na magpahayag ng kaniyang komentaryo sa ating pulitika: “Sa kasalukuyang sistema ng ating pamamalakad, hindi maikakaila na ‘Kung ano ang puno ay siyang bunga’. Napakaliwanag nito sa katauhan ni GMA. Kaya nga nanalo siya noong nakaraang eleksyon ay dahil sa financial na itinulong ng mga galamay at alipores niya. “Sa kasaysayan ng lahat ng Presidential Election sa Pilipinas, eto na yata ang pinaka maruming halalan na naganap nitong 2004. Eto ang naging balik, ipinuwesto ang mga kulelat na mga Senador at Congressmen na mga ka alyado ng partido niya sa mga nabakanteng sangay ng pamahalaan. Ultimong mga retired general na hindi naman linya ang ibang gawain sa pamahalaan ay isiningit ni GMA. Halos retired general na yata ang mga nakaupo sa mga government corporations. “Nakaw dito nakaw doon, talamak na graft and corruption, double entry sa mga budget nila at kaniya-kaniyang pagpapayaman ang mga kupal. Sa mga problema ng bayan naman ngayon, isama na natin diyan ang giyera sa Mindanao, lantarang hueteng, pagkalat ng droga, kidnaping, lahat ng klase ng robbery at pagtaas ng hindi na mapigilang presyo ng krudo at mga pangunahing bilihin. Dagdag pa rito iyong pagkalbo ng ating mga kagubatan na isang sanhi ng malawakang pagbaha sa tuwing may bagyo. Natabunan na mga kasong tulad sa ZTE Broadband scandal, Fertilizer scam, mga suhulang hindi maipaliwanag na gawa ng palasyo, mga pondong nalustay tulad ng sa Commission On Election, atbp. “May mga oposisyon na bumabatikos nga. Kapag nabusalan na ng salapi ang mga maiingay na bunganga ay namamatay at parang bulang naglalaho ang kanilang mga isinisiwalat. Wala na yatang mapipili sa kahit sinong namumuno ng ating pamahalaan na makagawa ng milagro at isang araw ay mapagbago ang lahat ng bulok na sistema ng kasalukuyang namamahala. Mga kapuwa magkakasama sa oposisyon ay nagbabangayan na rin at kaniya-kaniyang lakad na ang ginagawa. “At sa mga OFW na itinuturing na mga bayani daw, ay lalung hinahanapan ng mga butas upang magatasan. Andidiyan na ang panukalang kaltasan ng buwis ang kanilang mga remittances sa isinusulong na panukala ni Speaker Nograles. Bawasan ng DST (Documentary Stamp) ang OFW remittances, na nakuha pang kalkalin at balak pang buhayin ayon kay Pat Sto. Tomas. Lahat na yata ng pagkakakitaang pabor sa gobyerno natin ay gustong ihataw ng mga kurimaw. Napakaraming OFW na naging biktima ng mga illegal recruiter, mga minamaltrato ng kanilang mga amo, may ginagahasa, hindi pinapasahod at mga kinasuhan na karamihan ay hindi nila kasalanan. Kaagad bang pumapapel ang dapat umayos sa kanilang suliranin. May natutulungan nga, pero mas marami ang napapariwara. Sa namumuno at mga kawani ng OWWA, gastahin naman ninyo at pumungit kahit isang porsyento ng billiong dollar na kita mula sa OFW upang matulungan sila sa oras ng kanilang pangangailangan. “Sana naman ay bigyan pansin ang mga hinaing ng mga OFW tulad ng pagpapatayo ng sariling bangko na ang interest rate ay tama lang at kayang bayaran ang monthly amortization kapag pinahiram ka. Pagpapatayo ng mga hospital at paaralan para sa pamilya ng mga OFW. Housing at mga tenement homes na hindi gaanong masakit sa bulsa ang buwanang hulog. Exclusive subdivisions para sa medyo nakakaangat na OFWs. Magkaroon ng sariling negosyong popondohan ng OFW Bank na puwedeng pagkakitaan ng mga retiradong manggagawang permanenteng balik ng Pilipinas. “At sa kasalukuyang Namumuno at lahat ng nanunungkulan sa ating pamahalaan, magising na sana kayo na pagmulat ng inyong mga mata minsan isang araw ay sama-samang baguhin ang bulok at napakaruming siste ng pamamalakad ng ating pamahalaan. Ilaan na sa tamang paraan ang pagagastos ng pera ng bayan. Huwag ng ibulsa at kumupit para sa sariling kapakanan. Maging tapat sa ating mga sinumpaang tungkulin sa inyong natitira pang termino. “Imbis na kurakutin at ibulsa ang hindi dapat sa atin, ang lahat ng ito kapag nagamit sa tamang pamamaraan ay maisasakatuparan ang pagpapatayo ng mga nararapat na proyekto, tungo sa pag-unlad ng ating bayan. “Makakaya natin ito at itayong muli ang nasirang imahen ng ating bansa tungo sa panibagong kinabukasan. Rod Pineda, Kemya Project CBI-LALCO * * * Sana naman, Rod, ay mayroong tagapamahalaan na makukunsensiya pagkabasa ng iyong sinulat! # # # # hvp (10.22.08)
-
‹ Home

Contents
-
Categories
-
Archives
Blogroll
Misc
-
RSS Feeds
Post a Comment