Deretsahan
ni Horacio Paredes
Sa palagay ko’y hindi na tama na ang University of the Philippines (UP) Campus sa Diliman ay mayroong sariling pulis nila na hindi man lamang kasama sa Philippine National Police. Baket pumayag ang gobiyerno sa ganitong sistema na hindi naman nila papayagan kung ibang mga ahensiya ang gumustong kanila ring sarili ang kanilang pwersa ng pulisya.
Pati nga sa kahit na anumang lungsod at barangay, ang lahat ng mga pulis ay miyembro ng PNP; baket naiiba ang UP?
Baket hindi na rin magkaroon ng sariling pulis ang mga pribadong subdivision o village at iba pang mga ahensiya at mga malalaking kumpanya?
Sa totoo, kaya ginawa ang sariling pulis ng UP ay dahil sa ginusto ng pamahalaan ng UP na mayroon silang political independence. Ayaw ng unibersidad na pinapasok sila ng mga pulis; mas gusto pa yata nila na ang kriminal ang papasok sa kanilang campus kaysa ang kapulisan.
Ngunit, sa mga pangyayari sa loob ng UP Campus kung saan tatlo ang namatay dahil sa pag-holdup ng Veterans’ Bank sa loob ng campus, palagay ko’y dapat nang tunay na mga pulis (at hindi lamang mga security guard) ang magpulis sa UP.
Ang UP naman kasi ay hindi naman panay pag-aaral lamang ang iniintindi. Marami ring mga negosyo ang nasa loob ng unibersidad. Halimbawa na nga ang Veterans Bank na hinoldap ng mga magnanakaw. Kanilang tinigil ang armored truck na nagdadala ng kwarta para sa bangko at pinaspasan ng putok bago sila tumakas.
Wala namang nagawa ang pulis-UP dahil sa kulang naman kasi ang mga ito ng armas at dunong sa pagsugpo sa krimen. Mga sekyu lang naman kasi ang nagbabantasy sa UP at hindi naman tunay na pulis. Isa pa’y hindi naman sila pinopondohan ng UP upang magkaroon ng mga gamit na kasing galing ng gamit ng tunay na pulis.
Maaari ng na noong bago pa ang UP ay dapat lamang na sila’y pinagbigyan ng pagkakataon na gumawa ng sarili nilang pulis; ngunit, ngayon ay nakikita na natin na hindi naman pala maayos ang tinayong pulis-pulisan ng University of the Philippines.
* * *
Katawa-tawa naman ang naging kwento ni Alberto Suansing na namumuno sa LTO (Land Transportation Office). Dumating sa NAIA si Suansing at siya’y kumuha ng taxi. Ayaw pumayag ang taxi driver na isakay ang pinuno ng LTO kung hindi siya papayag na magbayad ng P700 mula sa NAIA patungo sa Quezon City. Ayaw pumayag ang driver na gamitin ang metro ng taxi. Basta, kung sasakay ka’y ang kaniyang flat rate at P700 patungong QC!
Naisip ni Suansing na marahil ay hindi siya nakilala ng taxi driver na nagbibigay ng lisensiya sa mga driver at pate nmber sa mga kotse.
Nang nasa Timog na sila, pinaliko ni Suansing at pinapasok ang taxi sa loob ng LTO at doon, sa teritoryo na ni Suansing, ang taxi driver ay kaniyang hinuli; kinuha ang lisensiya nito at na-impound pa ang kaniyang taxi.
Ayon kay Suansing, uulitin pa niya ang kanyang ginawa sa NAIA para makahuli ng mga taxi na hindi sumusunod sa tapat na patakaran.
Kaya, kayong mga taxi driver, magpakatino na kayo. Baka kayo ang susunod na magiging biktima ni Suansing!
# # # #
hvp (11.12.08)

Post a Comment