Deretsahan
ni Horacio Paredes
Nakaka-asar ang ating Senado. Sa kay tagal nilang hinintay na makaharap si Joc Joc Bolante na pinaghihinalaaang mastermind sa pag-gamit ng napakalaking pondo na dapat sana’y ginamit upang pambili ng abono ng mga magsasaka ngunit nagamit kuno sa halalan noong 2004 kung saan dinaya ang boto ng bansang Pilipinas upang manatili sa puwesto ang nang-agaw ng Malakanyang sa tunay na Presidente.
Tatlong taon nilang pinaghandaan ito. Ngunit, bakit noong kaharap na nila ang sinasabi nilang nangwalanghiya sa atin ay napakawalang-ka-kwenta-kwenta ang nangyari. Estupido at napakabababaw ng mga tanong. Marami pa’y walang saysay. Bakit hindi nila inimbitahan ang nag-imbistiga nitong pangyayari – ang dating Senador Jun Magsaysay — na maging adviser ng komiteng nag-imbistiga? Baka gumanda-ganda ang saysay kung naroroon si Magsaysay.
Gaya ng karamihan sa mga imbestigasyon na ginagawa ng Senado naging pagkakataon lamang upang ipakita sa atin ng ating mga senador na nagkamali tayo sa pagpili sa mga ganitong kabababaw na mga senador sa ating bayan. Sa ating sistema na halos bilyones na ang gastusin upang mahalal ang isang senador baka mas mabuti pang ibenta na lamang natin sa pamamagitan ng public auction ang pwesto ng senador. May papasok pang kwarta sa kaban ng bayan. Tapos, limitahin na rin natin ang maaaring kitain ng mga senador sa kwarta na kanilang binayad upang matawag na senador.
Habang hindi marurunong ang mga botante natin sa pagpili ng kanilang mga mambabatas kung kaya panay paltos ang mga pinauupo, baka naman dapat na paramihin ang mga senador sa hanggang labing-lima upang hindi na lamang sila nang sila ang natatanaw natin. Okey lamang na kakunti lamang sila kung mga matitino at magagaling ang humaharap sa atin. Kapag ganito, mas mabuti nang mas marami sila at baka sa mas marami’y mayroong lilitaw na iilang may sinasabi.
Ang pamagat ng kolum ay galing sa isang matandang nakapansin na mas senatorial raw ang dating ni Bolante kaysa sa mga senador natin. Kawaang Pinas!
* * *
“Sumulat po ako sa kagustuhang makapagbigay nang sa loobing sa araw araw na pangyayari sa ating bansa. Isa po akung OFW na napilitang magtrabaho sa ibang bansa sa dahilang walang mapasukan diyan sa atin na maitataguyod nang disente ang aking pamilya.
“Ako po ay hindi na naniniwala sa ano mang gagawin nang pamahalaan, sa kahit anong ahensya, maging sa palasyo sa senado o sa kongreso lahat sila pare-pareho lang para sa amin. Mabuti pa ang media ay mayroon ilang tapat sa kanilang gawain. Tulad po nyo nais kung ibahagi ang aking agam agam. Malapit na po ang 2009, at sa takbo nang ating gobierno, tiyak pong makakalimutan nila yung importante na ‘Baseline teritoryal’ na dapat ay mayroon nang malinaw na pananaw ang ating bansa.
“Tinatawag natin silang ‘Government official’ na ang layunin dapat nila ay ang kapakanan nang mga Pilipino, subalit wala akung makitang malasakit, bagkus puro kasakiman, sa yaman at sa kapangyarihan.
“Dapat po sana ang tawag sa kaniya ay ‘public servant’ ang literal pong tawag sa Tagalog ay katulong nang Pinoy - para po sosal nang kunti DH po nang mga Pinoy. Kaso po baligtag e; ang mga Pinoy ang utusan.
“May tawag noon dito - public servant is to serve the people, not the other way around that the people shall serve the government official.” — Jomar De La Cruz. Dito po sa bansang Libya.
Kaya nga Jomar, sinasabi kong ka-awa-awa ang Pinas!
# # # #
hvp (11.17.08)

Post a Comment