Skip to content

Malaki ang Duda kay Gloria

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Ayaw ko sanang pag-dudahan ang mga nagtutulak ng cha-cha. Maganda naman ang mga sinasabi nilang kanilang layunin. Gaya ni Speaker Prospero Nograles sa kaniyang kagustuhan na baguhin ang ilang mga nilalaman ng Saligang Batas na nagiging hadlang sa pagunlad ng bansa. Sa totoo, ito ring mga probisyon ang gusto sanang ipabago ni Erap noong siya pa ang Presidente.

Halimbawa, bakit natin hahadlangan ang dayuhan na bumili ng lupa? Kaya ba niya itong bitbitin sa pag-alis niya sa Pinas? Bakit natin pipilitin na umupa ang isang taong gustong magpatayo ng factory sa ating bansa upang makapag-empleyo ng libo-libong tao?

Sa katunayan, sino ang ating pinoproteksyunan? Ang iilang pamilya na nagmamay-ari ng halos lahat ng lupa sa Pinas habang ang karamihan sa atin ay walang sariling lupain. Ganoon rin ang probisyon na nagbabawal na pumsok ang dayuhan sa mga negosyong nangangailangan ng prankisa – gaya ng taxi, bus, barko, eroplano at iba pa. Bakit pinagbabawal ito habang halos wala namang Pinoy na bumibili ng bagong barko, kulang na kulang ang mga taxi natin at ang mga bus ay hindi naman parang negosyo ang pagpatakbo kundi paupahan lamang ang mga ito sa pamamagitan ng pagsingil ng boundary kung kaya tuloy napakaraming aksidente dahil sa nagmamadali ang mga tsuper na makabuo ng kanilang pang-boundary.

Kaya lamang, wala na nga talagang tiwala ang sambayanan kay Gloria Arroyo. Sa pananaw ng nakakarami, kung kaya tayong lamangan ni Gloria at ng kaniyang pamilya, gagawain nila ito. Kaya, kung cha-cha na nag tinatalakay, halos lahat tayo’y tutol rito habang si Gloria pa ang namumuno.

Kailan kaya natin magagawang palitan ang mga hindi nakakabuti sa atin sa Salligang Batas? Depende kung sino ang mapili nating sunod na Pangulo kung makakaroon nga ng halalan sa 2010.

* * *

May sulat galing kay Donnabel Adriano: “Maganadang araw po sa inyo! Ito po ay tungkol sa artikulo nyong muling pagpasok ni Pacman sa pulitika. Sadyang wala na talagang satispaksyon ang tao; ano pa ba naman ang gusto nyang patunayan? Sumuporta kami sa boxing; ngayon nama’y nagpipilit na maging mambabatas. Mag-isip ka ng isandaang beses; ang kongreso ay paggawa ng mga panukalang batas na dapat sana halos lahat ng nandito ay nagtapos ng abogasya o nakakaintindi ng batas. Hindi ito pasikatan.

“Yun dapat ang esensya pero sa Philippine politics dapat mag-artista ka muna o sikat ka bago ka pumasok sa pulitika para medyo lyamado ka sa laban. Pwede naman tayong tumulong sa kapwa ng hindi na kelangan pang pumasok sa pulitika, katulad na lang ng yumaong si FPJ.  Marami siyang natulungan pero di na kelangang ipagsabi. Malalaman mo na lang sa mga nabiyayaan. Sa ating mga pulitiko kelangan may souvenir photo pa.

“Manny. mag isip-isip ka; huwag kang padadala sa mga amuyong na nakapaligid sayo. Pinaghirapan mo yang pera mo. Ilagay mo na lang sa tama.”

# # # #

hvp (12.03.08)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*