Deretsahan
ni Horacio Paredes
Natapos na ang rally laban sa Con-Ass ngunit ano ang naging resulta nito? Natigilan ba si Gloria sa kanyang maitim na tangka sa ating lahat at sa ating Saligang Batas? Ang kaniya bang mga tauhan sa Kongreso’y nabahala man lamang sa laki ng demonstarsyon? Hindi naman. Ayon sa kanila, tatlong libo lang naman raw ang dumating.
Sa nagiging reaksyon ng Kongreso, sila’y naniniwala pa rin na kaya nilang bulging ang ating mga mata at ituloy ang nalalaman naman nilang masama nilang hangarin sa ating mga mamamayan ng Pinas. Ginagago tayo, nalilinlang at pinagsasamantalahan.
Papaanong nagagawa ito ng mga lider natin na sumumpa na pangangalagaan ang Pinas at itataguyod ang Saligang Batas at ang kabutiahan ng lahat nating mga Pinoy? Papaano nilang naiisip na tama ang kanilang hangarin na para lamang naman sa kanilang sariling kabutihan at hindi naman nakakatulong sa ating mag mamayan?
Kaya nga para sa akin ay hindi na nararapat ang mga demonstrasyon, rally at ang mga ganitong aksiyon. Kung hindi man natin matitigil ang kanilang masamang hangarin sa pamamagitan ng mga ganyang mga gawain nila, dapat na hintayin na lamang natin ang panahon na dapat na natin silang sapilitang pababain sa pwesto. Sa pa-martsa-martsa’y baka pa maubos ang ating lakas dahil nalalaman naman nating lahat na sa bawat demonstrasyon ay ginagamit lamang ang mga ganito ng mga pulitiko at mga obispo upang pasikatin ang mga sarili; hindi naman talaga ang saligang batas o ang kapakanan ng mamamayan ang kanilang tunay na inaatupag.
Kaya, tama na ang mga pakitang ganyan. Kung ayaw natin na ginagago tayo, hintayin na lamang natin ang panahon na maliwanag na sa lahat ang kanilang ginagawang pang-gagago. Pagdating ng araw na iyon, tiyak na matatauhan na rin tayong lahat at malalaman na rin nating lahat kung ano ang ating dapat na gagawain upang mawala na ang mga nang-gagago sa atin. Napaka-simple nito. Hindi na kinakailangan pang ispellingin ang mga ganyan kadaling alamin.
* * *
Noong pinaguusapan ng isang grupo ang problema ng Pinas sa overpopulation, mayroong isang taga-Opus Dei na nagsalita at ang kaniyang pinoproblema ay ganito: Kapag binawasan natin ang pag-lago ng populasyon ng Pinas, ‘ika niya, saan manggagaling ang ating mga OFW? Upang tuloy-tuloy ang ag-unlad ng ating ekonomiya, ayon sa kaniya, kinakailangan natin ang mga remittance ng mga OFW. Kung mabawasan ang paglago nating mga Pinoy, saan pa manggagaling ang mga OFW natin na kinkailangan upang hindi bumagsak ang ekonomiya?
Para naman sa akin, ang tungkulin ng isang pamahalaan ay ang pag-tiyak na ang bawat nilalang sa kaniyang bansa’y mayroong mapapasukang trabaho sa sariling bansa. Kapag ang ekonomiya ng bansa’y hindi kayang magbigy ng empleyo sa lahat nang gustong mag-trabaho, napakalaking pagkukulang ito, Mas mabuti pang sobra ang trabaho kaysa sobra ang manggagawa.
# # # #
hvp (12.15.08)

Post a Comment