Deretsahan
ni Horacio Paredes
Ayon sa mga nilalabas na advertisement ng Malakanyang, ngayon raw ay pinaka-kaunti sa atin ang nakakaramdam ng hirap at naniniwalang mahihirap sila. Kumpara sa panahon ni Marcos, Cory, Ramos at Erap, mas kakaunti raw ang mga Pinoy na naniniwalang sila’y mahihirap.
Ano ba ito – lokohan?
Baka naman dahil sa nakikita nila na mas mahihirap ang kanilang mga kapit-bahay, marami ang nagpapasalamat na lamang na hindi sila kagaya ng kanilang kina-aawaang kapit-bahay. O baka namang sa Dasmarinas Village sila nagpa-survey. Kung sabagay, kapag sanay ka na sa gutom, halos hindi mo na nararamdaman pa ang pagka-gutom. Mas matindi ang gutom na nararamdamang ng isang puno ang plato sa bawat pagkain tatlong beses sa isang araw.
Ganoon rin ang walang kwarta. Kapag sanay ka nang wala kang nadudukot na kahit barya sa iyong bulsa, kapag minsan ay mayroong kang madampot na salapi pagdukot mo, tuwang-tuwa ka na at ang pakiramadam ay parang ang yaman mo na kahit alam m ong linoloko mo lamang ang sarili.
* * *
Kahit na tutol tayo sa gustong gawain ng Kongreso na Constituent Assembly o Con Ass, hindi naman tama na ating sabihin na hindi dapat na baguhin ang ating Saligang Batas. Sa totoo, napakaraming depekto nito at ang pinakamalaking depekto ay ang pag pabor ng Saligang Batas sa mga mayayaman.
Halimbawa, pinagbabawal na ang mga dayuhan na mag-mayari ng lupain sa Pinas. Sa unang pagtanaw para itong maganda dahil parang pinapaboran ang Pinoy sa sarili niyang bansa; ngunit, ilan bang Pilipino ang maaaring bumili ng lupa? Ilan ba sa atin ang mayroong sapat na salapi upang maaaring bumili ng lupain. Sa katotohanan, halos lahat ng lupain sa Pilipinas ay hawak ng iilang pamilya. Bale 10 porsiyento lamang ng mga Pilipino ang nagmamay-ari ng lahat na lupain sa bansang ito. Dahil pinagbabawalan ang mga dayuhan na magmaya-ari ng lupa, marami sa mga ito ay hindi pumapasok sa Pinas. Sila kasi’y mananatili lamang na umuupa ng lupa para sa kanilang mga planta sa iilang pamilyang may hawak ng lahat na lupain sa Pinas.
Kaya, imbes na pinoproteksyunan ang karamihan sa atin, ang ginagawa ng Saligang Batas ay lalo lamang pinalalakas ang mga dati nang mayayaman at lalong nagiging api ang karamihan sa atin.
Kung pabayaan nating makabili ang mga dayuhan ng lupa, anong maaaring masamang mangyayari sa atin? Kaya ba nilang bitbitin ang lupa ng Pinas sa kanilang pag-uwi sa kanilang bansa? Hindi kaya maaari pa ngang ang mga dayuhan ay magtatayo ng mga planta rito upang mabigyan ng empleyo ang mas marami sa atin?
Ang mga mayayamang Pinoy – kadalasan – ay hindi naglalaan ng kwarta para sa mga manufacturing at iba pang mga industriya. Ito na rin ang rason kung bakit napakarami sa atin ang walang trabaho. Kung pabayaan nating makabili ang dayuhan ng lupain, mas malamang na dadami sa kanila ang papsok sa Pinas at magtatayo ng mga planta.
Hindi kaya dapat nating baguhin ang ating Saligang Batas upang akitin ang mga dayuhan na pumasok sa Pinas at magbigay ng trabaho sa napakaraming Pinoy na walang empleyo sa ngayon?
# # # #
hvp (12.22.08)

One Comment
i reasearch mo naman ang pagbabago ng saligang batas
Post a Comment