Skip to content

Takot sa Martial Law

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Dapat ba tayong matakot sa mga taong militar na tnatalaga ni Gloria Arroyo sa mga pwestong pang-sibilyan? Ang ating mga senador mismo ay malaki ang pangamba sa maaaring mangyari dahil sa marami sa mga retiradong mga militar na nakakapasok sa ilang puwesto sa pamahalaan.
Ayon kay Senador Mar Roxas: “Para sa milyong Pilipino na walang tiwala sa administrasyon, ang ibig sabihin nito’y pinaliligiran na ni GMA ang sarili niya ng mga taong walang kwestiyon sa anumang iligal na utos mula sa Pangulo. Martial law na ba ang kasunod nito?”
Para naman kay Seandor Kiko Pangilinan: “What is her power base? The base is no longer the Filipino people in that sense because almost eight out of 10 are disappointed. So, if the people no longer trust the President, where will she get her support? She is getting it now from the active and retired military men. She’s getting it from the Armed Forces.”
Ang mga bagong natalaga na dating militar na nagpangamba sa mga senador ay sina Admiral Tirso Danga sa National Printing Office (NPO) dahil sa sunod-sunod ang mga nahuhuling nangungurakot rito. Si Heneral Hermogenes Esperon bilang pinuno ng Presidential Management Staff (PMS) na naghahanda ng agenda ng mga Cabinet Meeting at si Heneral Jovito Palparan bilang pinuno ng Dangerous Drugs Board.
Dapat lamang na mapalitan ang mga namumuno sa NPO dahl na nga sa garapalang kurakotan doon. Kung kayang matitigil ng isang dating Admiral ang pangungurakot, ano naman ang masama roon? Tungkol naman kay Palparan, baka isang kagaya niya na kinakatakutan dahil sa mga hinalang marami siyang sinasalvage noong nasa militar pa ang dapat nating iharap sa mga drug lord. Diba dapat na mamatay na ang lahat na mga iyan na pumapatay sa kinabukasan ng mga kabataang dapat sana na sila ang pag-asa ng bayan?
Ayon kay Mar Roxas: “Sa pag-appoint ni GMA kay Danga sa NPO ay lalo lang tumindi ang suspetsa natin na walang balak si GMA na gawing malinis ang susunod na halalan.
“Hindi pa nga nasasagot ni Admiral Danga ang mga tanong sa kanyang naging papel sa kaso ng Hello Garci ay eto at siya pa ang ilalagay sa ahensyang gagawa ng mga balota para sa eleksyon. Talagang garapalan na ang ginagawa ng Malacanang.”
Para naman sa akin, kung ang plano ay ang patagalin si GMA kahit na lampas na sa kaniyang termino sa Hunyo 30, 2010, sa aking hinala ay hindi niya makukuha ang mga dating kadete ng PMA na labagin ang Saligang Batas. Sa aking paniniwala, may naiiwan pa rin na pagmamahal sa batas at sa bansa ang mga ito kahit na sila’y pinagbibigyan ngayon ng kasalukuyang Pangulo. Hindi naman mga tuso ang mga ito.
Ang mga dating militar na nasa pamahalaan ay sina Executive Secretary Eduardo Ermita; Arturo Carillo, military affairs adviser; Honesto Isleta, presidential assistant on strategic information; Glenn Rabonza, Office of the Civil defense executive director and national disaster coordinating council administrator; Angel Atutubo, Manila International Airport Authority assistant general manager; Thelmo Cunanan, chairman ng Social Security System; at Proceso Maligalig, Bataan Shipyard.
Ang mga dating pulis ay sina Avelino Razon, National Peace Adviser; Arturo Lomibao, papasok na pinuno ng LTFRB chief; Edgar Aglipay, chairman ng Philippine Retirement Agency; Hermogenes Ebdane Jr., public works secretary; Leandro Mendoza, transportation and communications secretary; at Roberto Lastimoso, director ng Metro Rail Transit Corp.
Mga dating hepe ng AFP na nasa pamahalaan ay sina Angelo Reyes, secretary of energy; Narciso Abaya, chairman ng Bases Conversion Development Authority; Dionisio Santiago, PDEA director; Roy Cimatu, special envoy sa Middle East; Efren Abu, ambassador sa Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines-East Asia growth Area (BIMP-EAGA); at Generoso Senga, ambassador sa Iran.
Nariyan rin sina Orlando Macaspac, presidential adviser for police affairs; Florencio Fianza, dating chairman ng Philippine Racing Commission; Vidal Querol, ambassador sa Indonesia; at Ernesto de Leon, ambassador sa Australia.
Marami rin naman sa mga ito ang nakakapanayam ko at marami nga sa kanila’y pagod na paglilingkod at hinhintay na lamang ang pagdating ng 2010 kung kailan maaari na silang magpahinga’t mabuhay ng mapayapa bilang mga retiradong dating militar. Para sa akin, hindi dapat katakutan ang mga dating sundalo. Pinoy pa rin ang mga ito at sa araw ng pagsusubok, ay mapapakita niulang handa pa rin nilang ipagtanggol ang Saligang Batas at ang bansa.
Sana’y hindi ako nagkakamali ngunit iyan ang aking paniniwala sa mga taong militar na nasa pamahalaan ngayon.

# # # #
hvp (01.26.08)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*