Skip to content

Proyektong Sticker, Naudlot Na Sana

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Baka raw hindi na matutuloy ang isang proyekto ng Land Transportation Office (LTO) at ng Stradcom, isang Information Communications Technology (ICT) company. Napabalita kasing tila may anomalya raw na sangkot sa transaksyon isang “sweetheart deal.”  

Ang napabalitang proyektong tinutulak na sticker project ay magiging dagdag-pahirap sa mga may-ari ng sasakyan habang limpak-limpak na kita ang aanihin ng mga may pasimuno nito.

Ang pakulong ito ay pinangalangang Radio Frequency Identification (RFID) project kung saan kailangang maglagay ng isang uri ng sticker o tag sa mga rehistradong sasakyan upang mabilisan daw malaman sa pamamagitan ng computer ang “Identity, Status and authenticity of vehicle data.”   Makatutulong din daw ito umano sa kampanya laban sa smuggling at mga colorum na sasakyan.

Makakatulong nga kaya o baka nama isa lamang itong pangwawarta?

Kung talagang kapuri-puri ang hangarin ng proyekto, bakit inililihim ito?  Kung hindi pa ito sumabog sa media, baka nakalusot na at mabubulaga na lamang ang taongbayan sa panibagong gastusin na kung tutuusin, ay di naman kailangan. Ayon sa nakaka-alam, aabot raw sa P300 ang dagdag na babayaran ng bawat sasakyan sa araw ng pagrehistro!

 Ang mga papeles ukol sa proyekto ay nasa tanggapan na ni DOTC Secretary Leandro Mendoza . Sana’y pag-aralang maigi ni Mendoza ang bagay na ito dahil tila hindi na kailangan ang pinaplanong RFID. Lahat ng datos na ilalagay sa sticker ay nasa registration certificate at resibo ng rehistrasyon na binabayaran ng mga vehicle owner taon-taon.  Ang mga papeles na ito ay dapat na dala ng bawat sasakyan upang ipapakita sa kung sino man ang awtoridad na gusting suriin ang rehistro ng sasakyan.

 Kung gusto nilang putulin at sugpuin ang smuggling at mahinto ang pag-iisyu ng mga pekeng dokumento, dapat linisin muna ng LTO ang sarili.  Kahit punuin pa nila ng sticker ang mga sasakyan, kung patuloy ang mga pakana ng mga mandurugas sa kanilang tanggapan, mawawalan ng saysay ang kahit ano mang proyekto.

Sa isang paglilinaw mula kay Stradcom vice president Vivencio Dizon, binanggit niya na magdaraos pa umano ng public consultation ukol sa proyekto. Kung ganun nga, bakit agad isinalang na ito sa DOTC.  Dapat bago pa man ito inendorso ng LTO, kinuha na muna ang pulso ng madla at ng mga sektor na maapektuhan.

Dapat rin itanong kung bakit na,  sa laki ng halaga ng proyektong, walang napabalitang public bidding na naganap? For approval na ng DOTC bago nagkakakonsultatsyon at public bidding? Parang . . . mali!

Ang lahat ng ito ay bilang paghamon sa bagong hepe ng LTO na si Arturo Lumibao, dating hepe ng PNP. Kailangn ni Art  ang tibay ng dibdib at determinasyon na ayusin ang lahat ng mga mahiwagang nagaganap sa naturang ahensiya – at, sana naman,  bahala na kung sino ang masagasaan. Kung talaga namang kailangang dadagdag na naman tayo ng P300 sa bawat pag-rehistro ng ating mga sasakyan dapat yata’y maipaliwanag ng mabuti sa publiko kung bakit napakahalagang maipatupad ang ganitong gastusin. Para namang binabastos na tayo at kinakaltasan para lamang kumita ang mga  napakalalaki ng kita habang lalong humihirap ang buhay at pabagsak ang ekonomiya.

# # # #

hvp (02.18.08)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

One Comment

  1. -- PHILIPPINES wrote:

    ang nabanggit na halaga ng rfid tag or sticker ay hindi nagkakahalaga ng 300 pesos kundi 350 pesos at maaari itong gamitin sa luob ng 10 taon.

    Wednesday, September 2, 2009 at 8:46 pm | Permalink

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*