Deretsahan
ni Horacio Paredes
Gaya ng marami sa atin, dumaan rin ang panahon na inakala ko na baka maaaring maging Pangulo ng bansa si Ping Lacson. Ngunit, medyo nawalan ako ng gana noong ayaw siyang bumigay noong kitang-kita na, na ang may pag-asang tumalo kay Gloria ay si Fernando Poe, Jr. at hindi si Ping; na dapat sana’y bumaba na lamang siya sa pagiging bise. Dahil sa pinilit niya ang sarili ay isa sa mga rason kung bakit nakaupo pa rin si Gloria sa kaniyang trono matapos ang halalan ng 2004. Dahil kay Ping kung kaya lalong lumalaki ang nawawala sa kaban ng bayan!
Ngayong siya ay senador, nakikita natin na wala pa rin siyang pagbabago; sarili lamang ang iniisip at hindi ang kapakanan ng bansa. Inakusahan niya si Senador Manny Villar ng “double insertion” — na dalawang bese raw nabayaran ang nag-iisang proyekto sa lupain mismo ng dating Senate President sa Paranaque.
Ayon sa Department of Budget amd Management, hindi ito nangyari; ganoon rin ang sinasabi ng Department of Public Works and Highways na nangasiwa sa proyekto. Ako mismo ay hindi naniniwala na ganoon kadaling kumuha ng kwarta sa gobiyerno. Maaaring parang ganoon sa papeles, ngunit mayroon namang mga sumusuri sa mga papeles bago lumabas ang kuwarta. Kaya, gaya ng marami, hindi ako basta maniniwala sa paratang ni Ping at ni Senadora Jamby Madrigal (na marami ring kapalpakang sinasabi) na ang nangyari ay ang kanilang kinukwento. Baka kuwentong kutsero lamang ito!
Sa kanilang gustong mangyari na ma-imbistiga ng Ethics Committee si Manny Villar na nangunguna (sa lahat ng survey ng SWS, Pulse Asia at iba pa) sa mga tumatakbo sa pagging pangulo ng bansa sa 2020 niluluto na nila ang imbistigasyon.
Si Ping ang Chairman ng Ethics Committee, si Dick Gordon, isa pang gustong maging Pangulo sa 2010 ang vice chairman at miyembro ng Ethics Committee sina Mar Roxas, Loren Legarda at Jamby. Tapos, hindi pa sumunod sa sistema si Ping. Basta na lamang niyang pinapaliwanag si Villar sa katiwalian kuno sa ganoong hindi pa nga nila napapagusapan sa Comite upang alamin kung mayroon nga bang batayan ang bintang na “double insertion.”
Ang Minority Floor Leader na si Nene Pimentel ay pinapayuan si Ping na sumunod sa patakaran na pagusapan muna ng Comite ang bintang at imbistagahan ito bago pinaapaliwanag si Villar; ngunit, hindi nakikinig si Ping.
Si Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada ay pinapayuan rin si Ping na huwag na siya ang umupo bilang Chairman ng Ethics Committee sa pagdinig ng kaniyang sinusumbong tungkol kay Manny. Ngunit mukhang ayaw makinig ang dating pulis. Parang police dog na nakaka-amoy na ng parang masarap na lamunin.
Sa aking pananaw, ano pala ang magiging pagbabago sa ating bansa kung si Ping ang ating mahalal na Pangulo? Ano ang pagkakaiba ni Ping kay Gloria?
Sa aking pananawa, pareho lamang ang dalawa – hindi nakikinig sa iba, nagmamarunong ngunit kulang naman sa nalalaman at malamang ipapasubo lamang tayo sa mga hindi magandang proroonan. Walang pagkakaiba
# # # #
hvp (04.22.08)

Post a Comment