Deretsahan
ni Horacio Paredes
May isa tayong sulat galing sa OFW: “Greetings of Peace !
“Magandang araw po sa inyo at sa inyong milyong taga subaybay sa malaganap at makatotohanang kolum dito sa pahayagang Abante. Nais ko lamang pong iparating ang sintemyento naming mga OCW sa ating pamahalaan na kaakibat ng mga pangyayari diyan sa ating bansa na may kaugnayan sa hirap na pamumuhay at sobrang politika.
“Isa po akong manggagawa dito sa bansang Vietnam at sa halos apat na taon ko nang pamamalagi dito ang nagiging pampalipas oras ko ditoy ang pagbabasa ng mga balita na nangyayari diyan sa ating bayan. Subalit nakakalunos mang isipin lalo lamang nakakadagdag ng sama ng loob at hinagpis, dahil na rin sa mga balitang nakawan sa ilang ahensiya ng pamahalaan, palakasan, kampunan ng mga politiko para sa kanilang kagalingan lamang. Nandiyan din ang mga balitang holdapan at patayan at gahasaan sa iba’t-ibang bahagi ng kapuluan. Nakapanlulumo pong isipin.
“At walang tunay na programang makatutulong upang maibsan ang hirap na dinaranas ng karamihan nating kababayan.
“Dati rin po akong empleyado ng ating pamahalaan sa Ahensiya ng mga Pagawaing Pampurok ng ika-apat na Distrito ng Quezon. DPWH- Quezon 4th Engg. District, sa pamamatnubay ng ama ni Cong. Erin Tanada. Bahagi naman ng aking asignatura sa ahensiya ang mangalap ng datos, mag-prepara ng programa upang ang mga pondong inilalaan ng mga Senador at Representante sa pamamagitan ng kanilang Pork Barrel ay maipahayon at maibahagi sa kanilang nasasakupang mamamayan ng distrito.
“Nakatutuwa pong pagmasdan ang mga mamamayang eto na nababahaginan at pinagmalasakitan ng ilang matitinong politiko. Subalit labis po ang aking sakit ng kalooban ngayon sa tuwing makababasa sa mga balitang pang araw-araw na nagaganap dahil sa mga tiwaling nanunungkulan sa ating pamahalaan.
“Ano na ngayon ang pinagkakaabalahan ng mga pulitiko ng ating pamahalaan? Sila’y aligaga sa pagpapasa ng mga probisyon upang makalikot at magawang “wan to sawa” na ang kanilang panunungkulan at mag-suka na sa kasarapan ng buhay, na hindi na inalintana ang tunay na problema.
“Bakit hindi nila maimulat ang kanilang mata na ang karamihan sa mga Pilipino’y nagugutom na, salat na salat sa programang maka-iibsan sa gutom na nararamdaman. Marami na rin ang nasisiraan ngbait, nagpapatiwakal, nagbebenta ng aliw, nasisira na ang pamilya dahil sa kahirapan.
“Yan ang nangyayari ngayon dahil sa kapabayaan ng mga nanunungkulan – pag-iimpok ng nakaw na kayamanan para sa kanilang pulitika. Tama lang siguro ang sinabi ng isang Senadora na mabuti pang mag boksing na lang, mag wrestling, magsaksakan at magbarilan na lang kayo para maubos na ang mga kagaya ninyo, upang ang matira na lamang ay yaong mga politikong tunay na maglilingkod at tutulong upang maibangon muli ang bansang naalipusta ng mga dayuhan, na hindi na tayo matatawag na Nation of Servants kundi isang maunlad at may dangal na Inang Bayang Pilipinas.” — Arnel S. Abejo, Thu Duc District, HCMC, Vietnam
* * *
Sana’y mayroong matauhan sa iyong magandang sinulat, Arnel. Ngunit, huwag tayo gaanong umasa.
# # # #
hvp (04.27.08)

Post a Comment