Skip to content

Sulat Mula Saudi

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Mayroon na namang sulat galing sa isang OFW: “Bagaman ako ay malayo sa ating bansa, sa pamamagitan ng internet ay malaya kong nababasa ang mga kaganapan sa ating bansa sa pahayagang tulad ng Abante atbp.  Alam ko pong sobra-sobra na ang kahirapan at kawalan ng pag-asa ng ilan nating kababayan sa pagkamit ng tunay na kaunlaran at ginhawa sa buhay.

“Nandiyan rin ang ating bulok na Hudikatura na tila bulag sa mahihirap subalit gising sa maykaya. Bakit po dumating sa punto na magkaganito na ang ating bansa? Tila binababoy ng ilang mga opisyales ng ating gobyerno ang dangal ng ating bansa, nariyan rin ang kawalan ng respeto sa ating batas. Napakataas ng kriminalidad at madalas pang sangkot dito ay mga alagad ng batas. Ano po ba kaya itong sakit na dumapo sa atin na lalong nagpapalala sa problema ng ating bansa?

“Maging mga taumbayan ay namanhid na rin sa kaganapan sa ating bansa. Kahit na lantaran na ang nakawan, hayun at nagkikibit balikat na lamang ang karamihan sa mga Pinoy. Minsan nagtataka na lamang ako, mantakin niyong halos karamihan sa mga pulitiko at opisyales sa ating gobyerno ay mga propesyunal (iyong iba Bar topnochers pa), mataas ang mga pinag-aralan, may mga kaya at hindi matatawaran ang karanasan sa trabaho. Subalit hindi pala ito ang susi sa kaunlaran natin. Para sa mga taong ganid, salapi at kapangarihan ang mahalaga sa kanila hindi ang prinsipyo at reputasyon.

“Gaya ng tinuran ng iba, walang dapat sisihin dito kundi ang mga pulitikong tila pansariling interes lamang ang iniisip. Mga pulitikong animo’y santo santita pagdating ng kampanya ngunit kung naluklok na sa puwesto ay tila daig pa si “Lupin III” sa pagkamal ng pera ng taumbayan. Nagkalat na rin ang mga magnanakaw sa ating gobyerno mula kagawad tungo sa mataas na posisyon.

“Nakakairitang isipin na tila naging pangkaraniwang kalakaran na ang gawaing kurapsiyon ng ilang pulitiko at ng ibang mga opisyales sa ating pamahalaan. Kung hindi mawawala ang mga ganitong klaseng nilalang sa ating gobyerno, walang pagbabagong magaganap. Suhestiyon ko na sana i-firing squad sa Luneta ang sinumang pulitiko na mapapatunayang nagnakaw sa kaban ng bayan. Mas nanaisin ko pang patawarin ang taong nakapatay kaysa sa pulitikong kurakot.

“Panahon na siguro na lahat ng Pilipino ay magkaisa sa pagpili ng tunay na lider sa darating halalan. Wala na sanang magpabayad ng boto. Nakikiusap ako sa mga taong ganito na sana isakripisyo naman nila ang kanilang boto sa pagpili ng karapat-dapat na lider kahit minsan lang. Kung naghihirap pa rin sila hanggang ngayon, ito ay sa kadahilanang sila na rin ang may gawa.

“Dito po sa aking kinaroroonan, ang batas sa lahat ay pantay-pantay, sobrang taas ang respeto sa kapulisan, halos bitlog sa krimen atbp. na bagaman puno ng iba’t-ibang lahi ay nagagawa pa ring kontroling ng kanilang pamahalaan.

“Sa tagal ko na ring namamasukan dito, ni hindi ko man lang nasilayan ang mga pultiko dito sa kalye o saan man maliban na lamang sa kanilang hari na laman ng kanilang pahayagan. Pakiwari ko walang nanunungkulan subalit ramdam mo ang kanilang batas na malupit na pinaiiral. Sa tingin ko kahit napakalabong mangyari, ganito sanang sistema ang dapat mangayari sa atin. Sabi nga nila ang ulol diyan sa atin pag napunta dito siguradong magpapakabuti. Para sa akin, isang nagmamalasakit na lider (hindi kurap), pagkakaisa at kamay na bakal ang solusiyon sa ikatitino ng Pilipinas. Salamat po ng marami at mabuhay po kayo.” — Romeo J. Nabong II, Al Zulfi, Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia

* * *

“Baka naman sa 2010 elections, lahat na ng pamangkin, kamag-anak, pinsan, inaanak ni GMA at ni FG Mike Arroyo ay gumawa ng kanya-kanyang party-list para makapasok sa Kongreso.” — Rep. Rissa Hontiveros

# # # #

hvp (04.29.08)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*