Deretsahan
ni Horacio Paredes
Tama si DepEd Secretary Jesli Lapus nang pansamantala nitong ipatigil ang feeding program sa mga public school kahit na naipaliwanag na ng kalihim ang tungkol sa sinasabing overpricing sa pagbili ng mga fortified noodles.
Simple lang ang paliwanag ng DepEd – mas mataas kasi ang bili nila dahil ang noodles nila ay fortified ng mga bitamina, itlog at malunggay. Kasama din sa presyo ang pagde-deliver nito sa libo-libong eskwela, hanggang sa nasa malayong lupalop ng bansa na nararating lang sa pamamagitan ng bangka.
Tinatanong nga ng mga taga-DepEd kung yun bang mga supermarket umano na P5 ang pasa sa kanilang noodles ay papayag na ganoon pa rin ang presyo kung sila ang magdidistribute nito mula Bongao, Mindanao hanggang Aparri? Sa halagang P5 ay papayag rin ba silang lahukan ng bitamina, itlog at malunggay ang binibenta nilang noodles?
Malamang, hindi. Isipin na lang ninyo, gagastos pa sila para sa pagarkila ng delivery trucks, gasolina, drayber, pahinante at kung ano-ano pa. Hindi dapat ikumpara ang presyo ng mga noodles sa supermarket at sari-sari store sa mga inorder ng DepEd.
Dahil sa pagsabog ng isyung ito, ayan, ang mga mag-aaral sa ating public school ang nagdurusa at wala silang libreng noodle sa pang-araw-araw nilang pananghailan.
Ang masaklap nito, tila nahaluan pa ng pulitika ang isyu dahil nanawagan ng pagsusuri sa Senado si Senator Mar Roxas. Mabuti na lamang at kamakailan, parang natauhan rin si Senador Mar na ipagpapaliban na muna ang hearing hanggang isinasagawa ng DepEd ang sarili nitong imbestigasyon.
Noong panahon pa ni Mahoma, sinakyan niya ang isyung mataas na presyo ng gamot. Sinabi niya na ipaglalaban niya na bawasan ang halaga ng mga gamot mula sa dambuhalang foreign multinationals.
Kamakailan, ipaglalaban daw niya ang mga kawawang biktima ng manggogoyong si Celso De los Angeles ng Legacy Group. Ang tanong — may nangyari ba sa sinakyan niyang mga isyu? Ang nangyari lamang ay nagkaron ng malawak na exposure si Senador Mar at eto, kung hindi niya hininto, bida na naman sana siya sa isyu ng noodles. Ngunit, makatarungan bang imbistigahan ito na agad-agad naman ay alam na natin na hindi maaaring mas mababa ang presyo ng espesyal na noodle sa pangkaraniwanag walang bitamina.
Tama rin ang pagtatatag ni Lapus ng task force upang busisiin ang sinasabing katiwalaan sa feeding program ng DepEd. Ito’y para matapos na lahat ng ispekulasyon at masamang haka-haka ukol dito
Sana lang ay dapat madaliin ang imbestigasyon upang matuloy na naman ang pagbibigay ng tamang nutrisyon sa mga batang mag-aaral na dahil sa pulitika ay nakatunganga at nakatanghod ngayon at nagaabang ng kaunting umuusok na sabaw. Kawawa naman sila at kanilang mga magulang na kailangang humanap ng panggastos bilang pampalit sa mga nakatenggang mga noodle.
Bakit ba magbuhat ng lumabas sa media na ipinu-push si Lapus na makasama sa senatorial ticket ng administrasyon sa 2010 ay tila biglang dumami ang bumabatikos sa kanya?
# # # #
hvp (05.20.08)

Post a Comment