Deretsahan
ni Horacio Paredes
Hindi tayo nakakasiguro na isa pa lamang ang namamatay sa A(H1N1). Ayon na rin kay Health Secretary Francisco Duque ang kauna-unahang namatay na mayroon nitong virus ay isang babaeng empleyado ng Kongreso.
Nang umuwi ang babae galing sa upisina noong Hunyo 17, siya’y nanghihina. Kinabukasan dahil sa siya’y may ubo (dry cough) lagnat at giniginaw (chills) uminom siya ng paracetamol. Pagdating ng kinabukasan (Hunyo 19) , hindi na kumain ng almusal at nahihirapan na siyang huminga. Bago dmating ang tinawag niyang doctor, namatay na ang babae.
Kaya naman nalaman na mayroon itong A(H1N1) ay dahil lamang hiningi ng kaniyang kapatid na dumaan ang bangkay sa autopsy. Doon lamang nalaman ng Department of Health (DOH) na siya pala’y tinamaan ng virus ng A(H1N1). Samakatuwid, hindi siya namatay dahil sa virus ngunit napadali ang kaniyang pagpanaw dahil sa siya’y nadapuan ng A(H1N1).
Ayon kay Secretary Duque, namatay siya dahil sa kaniyang sakit sa puso: “congestive heart failure secondary to acute myocardial infarction aggravated by severe pneumonia eith bacterial, viral or both.” Gaya ng maraming nadadapuan ng virus na ito, ang papatay sa kanila ay ang dating sakit. Kung may kahinaaan sa puso, puo ang papatay sa kanila. Para bang pinapahina ng virus ang katawan upang ang dating karamdaman naman ang papatay sa tao.
Ilan kaya ang namatay dahil sa tumigil ang puso habang ito’y inuubo, may lagnat at nahihirapang huminga. Ilan kaya sa kanila ay tinamaan ng virus na A(H1N1)? Hindi natin nalalaman at hindi natin malalaman dahil kahit na namatay ang ilan sa ospital, hindi naman maibabalita ito sa DOH, pwera lamang kung mayroong kamag-anak, gaya noong empleyada ng Kongreso na nakaisip na ipa-autopsy ang namatay dahil sa gusto niyang malaman kung ano nga ba ang ikinamatay ng kaniyang kapatid. Ilan sa atin ang hihilingin na buksan ang bangkay at suriin ang mga nilalaman ng katawan ng isa nating minahal? Kahit na patay na ito’y mahirap pa ring payagan na buksan ang bangkay upang masuri ang iba’t-ibang parte ng katawan niya.
Kaya, kung iisa pa lamang ang nasisiguro nating namatay na tinamaan ng A(H1N1), hindi rin natin nalalaman kung ilan nga ba talaga ang pinatay na ng virus na ito?
* * *
Palagay ko na sa buong Asya’y iba na ang tingin nila sa ating mga Pinoy. Ang ating futbol team na lalaban sana sa Asian Youth Games sa Singapore ay hindi na lang pinasali ng namamahala upang wala nang iba pang mahawa sa sakit na dinala sa Singapore ng isang 14 anyos na manlaro ng Pinas. Ngunit, pagtapos raw ng kanilang kwarantina at bago sila uimuwi, ang mga Pinoy ay papayagan maglaro ng isang exhibition game lamang. Para na rin tayong ginawang salimpusa lamang sa Asian Youth Games dahil sa A(H1N1) na iyan.
Sa atin namang nakikita na napakarami nang mga tinatamaan ng sakit na iyan sa Pinas, mukhang talagang nakikita na kulang ang kakayanan ng ating DoH na pangalagaan ang kalusugan ng ating bansa. Bakit halos wala pang mga kasong A(H1N1) sa ibang parte ng Asya, habang sa bansa natin ay patungo na ang dami nito sa isang libo at dumarami pa rin.
Pangalagaan ang ating mga mahal sa buhay. Kung mayroong inuubo, kahit wala pang lagnat, dalhin agad sa doctor upang malaman kung papaano palakasin ang katawan nito upang hindi matuloyan nang kung anuman ang nakapasok sa katawan niyang virus o iba pa.
# # # #
hvp (06.24.08)

Post a Comment