Deretsahan
ni Horacio Paredes
Bakit ba ganito ang ating pulitika? Papaano natin mapipili ang tamang tao na dapat nating pangulo kung pati na ang mga partido pulitikal ay walang tinitignan kundi ang popularidad ng mga kandidato – ayon sa mga survey na isinasagawa ng mga kumpanya kagaya ng Social Weather Stations (SWS), Pulse Asia at iba pa.
Ito na lang ba ang ating batayan kung sino ang dapat na maging pangulo ng ating bansa? Popularidad? Dahil diyan kung bakit ganito ang nangyayari sa ating bansa. Kung si Gat. Jose Rizal o kaya’y Andres Bonifacio ay mga buhay ngayon, tiyak na wala silang pag-asa na mapiling Pangulo ng bansa dahil sa wala silang bilyones na itatapon sa halalan at hindi sila tangap at popular sa lahat ng tao – lalong-lalo na sa mga hindi gaanong nagmamahal sa Pilipinas.
Ang ating kinakailangan sa ngayon ay mga taong tama ang pag-iisip at mayroong nakikitang magandang kinabukasan hindi ng kanilang sarili kundi para sa ating bansa. Kinatatakutan ko sa mga sinasabing nangungunang kandidato (dahil sa kanilang mga resulta sa survey na sa katotohanan ay maaaring bilhin na resuta) na wala pa ring mangyayari sa Pilipinas kung ang mga ito ang ating pagpipilian.
Mula pa noong nasilang ang ideya ng Pilipinas bilang isang bansa na nakaligtas sa kamay ng mga dayuhang nag hari-harian sa ating bansa, wala pang nagging Pangulo na tinama sa dating konsepto ang kanilang pamahalaan. Ang mga nagsimula nito ay ang mga tinatawag na anak ng bayan. Hindi ba’t ang “Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng̃ mg̃á Anak ng̃ Bayan (KKK)” ang nagsimula sa atin patungo sa ating kalayaan?
Ngunit, bakit ngayon ang ating mga pulitiko at kahit na rin ang mga hukom at mga sundalo’y parang nalayo na sa mga adhikain ng nauna nating mga bayani. Sa KKK, ang pinakamababang ranggo ay ang Katipon, sunod ang Kawal, at ang pinakamataas ay ang kanilang tinatawag na Bayani. Saan napunta ang mga adhikain ng mga nagsimula ng ating bansa. Bakit ngayon ay para tayong mga alipin pa rin ng mga dayuhan. Halos lahat ng gamit natin ay galing sa labas ng bansa. Kahit na sa ating sunod na halalan ay aasa tayo sa dunong at mga makina ng ibang mga bansa kahit na ang gagaling naman ng mga Pinoy magtrabaho sa computer. Bakit parang wala tayong tiwala sa sarili at sobra tayong umaasa pa rin sa mga dayuhan? Bakit ang ating mga lider ay mas madalas na mga magnanakaw ng kayamanan ng bayan?
Ang inaasahan ng mga nagsimula ng bansang ito na mga “anak ng bayan” ay isang bansang mapayapa na binubuo ng mga mamamayng sumusunod sa batas at kanilang tungkulin sa bansa at sa sarili upang patungo tayong lahat sa kaunlaran. Saan napunta ang kay gandang layuning ito? Bakit parang kinalimutan na natin ang mga sinakripisyo ang mga sarili upang maging malayang bansa ang Pilipinas at magkaroon tayong mga Pilipino ng pagkakataong ipakita sa mundo ang kakayanan natin?
Saan tayo patungo? Tiyak na kung gusto nating magbago ang ating landas bilang isang bansa, ang dapat nating piliing sunod na Pangulo ay hindi kung sino ang pinakapopular kundi kung sino ang may kakayahang baguhin ang ating pagiisip at ituro tayo patungo sa liwanag. Kung sa popular pa rin tayo, tiyak na walang magiging pagbabago sa mga buhay natin at sa kinabukasan ng ating bansa.
Mabigat ang tungkulin natin sa sarili at sa mga nagsimula n gating bansa sa susunod na halalan. Kung sa popular pa rin tayo, para na ring tinapon na natin an gating kinabukasan dahil sa ating ipapa-ubaya natin ito sa mga magapayaman lamang sa kanilang sarili.
# # # #
hvp (06.29.09)

One Comment
TAMA NGA PO KAYU!! MATUTULUNGAN MO BA KAMI SA AMIING SADULA TONGKOL SA KKK?
Post a Comment