Skip to content

Naudlot na Automation

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Unang-una, mali ang pananaw na kung ang ating hahalan ay “automated” o “computerized” na wala nang dayaan o kaya’y iba pang mga katarantaduhan na mangyayari, Ang mga makina ay maaaring tumulong na pabilisin ang proseso, ngunit, dahil tao pa rin ang nagpapatakbo ng mga makina, kaya pa rin nilang gamitin ang kahit na anumang machine sa kabutihan o sa kasamaan. Nasasa tao pa rin ang pasya kung ano ang mangyayari.
Sa pagbitiw ng TIM (Total Infrmation Management), isang kumpaniya ng pamilyang Aboitiz ng Cebu, sa kanilang samahan ng Smartmatic ng Barbados Island na nanalo sa bidding para sa P11.3 bilyon na pagpapaupa ng mga makinang dapat gamitin sa halalan sa 2010, lumilitaw na ang dahilan nito’y dahil mayroon palang inilalaan ang Smartmatic na malaking halaga – hanggang kalahating bilyon – para sa isang malaking tao sa pamahalaan na tumulong na ayusin ang Comelec upang Smartmatic na nga ang makakuha ng kontrata.
Sa ganitong pangyayari, talagang aayaw ang Pinoy na kumpaniyang ka-sosyo sa usapan. Papaano naman kasi sila kung pumalpak ang mga makina ng Smartmatic. Sa kontrata ng Comelec, ang mananalong bidder mismo ang mag-iimprenta ng balota at ang resulta’y lalabas sa makina pagkatapos ng botohan sa bawa’t presinto. Wala nang bilangan dahil nabilang na ng makina. Ito rin ay ipadadala ng makina sa sunod na paroroonan ng bilang – sa munisipyo or kapitolyo – at sa Comelec sa Maynila.
Kung napili ang Smartmatic dahil lamang sa mayroon itong malakas na kuneksyon sa pamahalaan, papaano naman ang kumpaniyang Pinoy (na kasosyso ng Smartmatic) pag pumalpak na ang mga makina ng Smartmatic.
Sa aking pananaw, mas mabuti na ang ganitong pangyayari. Balik muna tayo sa dati o kaya’y kung guato talagang magkaroon ng machine-count, bakit hindi gamitin na lamang ang mga makinang binili ng Comelec noong 2003 para sa 2004 na halalan na ayaw ipagamit noong 2004 ng Korte Suprema dahil natitiyak na hindi makakadaya ang pamahalaan noong 2004 kung nagamit ang mga ito.
Pumasa ang bawat makina sa pagsusuri ng Department of Science and Technology (DOST). Tiyak na uubra ang mga ito. At, kung mapakitang okey naman pala ang mga makina ng Mega Pacific, ano mgayon? Baka medyo mapapahiya ang Korte Suprema dahil sinabi nitong hindi uubra ang mga makina ng Mega Pacific. E, ano naman kung mapapahiya na naman ang Korte dahil marami na ring silang ginagawang nakakahiya gaya nang mga desisyon na pabago-bago – tapos na at pirmado na tapos uulitin. Ang buo naman nating hudikatura’y talaga namang nawala na sa tama. Imbes na ang batas ang nasusunod, kadalasan – kahit na sa pinakamataas na hukuman – ang batayan ng mga desisyon ay kung ano ang magiging epekto nito sa lipunan o sa pamahalaan o sa kongreso o negosyo.
Hindi dapat ganyan ang ating mga hukuman. Ang dapat na sinusunod ay ang salitang Latin na “Duro Lex sed Lex.” — mahirap man ang batas ngunit iyan ang batas.
Isa pa, parang hindi naman dapat pag-gastusan ang sunod na halalan ng kasing laki nang P11.3 bilyon. Sa mga pinagpipilian natin sa pagiging pangulo ay parang lugi tayo na ganoon kalaki ang ating gastos para lamang pumili ng sunod na Pangulo na hindi naman nalalayo sa papalitan natin. Kung ano ang kakulangan o pagkakamali ni Gloria, parang nakikita ko na na wala namang magiging pagbabago kung sinoman ang mapili sa mga nangungunang mga kandidato. Kaya, bakit pa natin gagastsan ng P11.3 bilyon ang halalang hindi naman kayang baguhin ang ating pamumuhay?
# # # #
hvp (07.01.09)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*